ni Gerard Peter / Anthony E. Servinio - @Sports | December 10, 2020
Hindi napigilan maging ng coronavirus (Covid-19) pandemic ang pamunuan ng Pilipinas Obstacle Sports Federation (POSF) na malampasan ang lahat ng kinaharap na pagsubok na naging balakid sa patuloy na pagpapatakbo ng pampalakasan sa bansa, bagkus ay higit pang pinayabong at pinaunlad ng samahan ang pagpapalakas sa sports sa panahon ng krisis at banta ng mapanganib na sakit sa buong mundo.
Sinabi ni POSF president Atty. Al Agra na sinuong nilang lahat ang mga pagsubok sa kabila ng lahat ng limitasyon bunsod ng coronavirus sa loob ng halos siyam na buwan, ngunit naitawid pa rin ng kanilang pederasyon ang mga plano at programa ngayong taon.
“We coined the term advertunity in that there are opportunities amid the adversities. We relied on our resiliency. We did not look at the new normal but the better normal, and through sports contribute to sustainability and development in the country,” pahayag ni Agra, Martes ng umaga sa lingguhang Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum webcast. “We put up the Association for Community Sports Advocates or ACSA,” dagdag ni Agra.
Kaantabay ang pagpapalakas ng pangangatawan para sa mga darating na torneo at events, naglaan din ng panahon ang POSF at ACSA na magpa-abot ng kamay sa mga programa nito para sa mga street children, visually impaired at deaf. “It's sports for all with no discrimination. We created a primer on 17 sustainable development goals (SDGs) covering sports, human rights and our national athletes. We put up a template on sports ordinance for the cities, municipalities and provinces,” wika ni Agra, na mahigit isang taon na nang walisin ng kanilang koponan ang lahat ng gold medal sa 2019 Southeast Asian Games sa bansa sa kabuuang 6 gold, 3 silver at 1 bronze medals.
Inihayag din ni Agra na lumawak na ang mga lugar na may pasilidad para sa obstacle course sa bansa, kabilang ang Subic, Laguna, Boracay, Cebu at maging ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao. Tumulong rin ang POSF na magkaroon ng obstacle sports facility sa Philippine Military Academy (PMA) sa Baguio para sa mga kadete nito.
Naghahanda rin ang POSF na maglagay ng Obstacle in a Box (isang 12-in-1 facility na sinasakop ang maliit lamang na espasyo) para sa 20 schools, colleges at unibersidad sa pakikipagtulungan sa local government units (LGUs). “Dumami talaga. During the lockdown, we held regular virtual workouts for the able-bodied, Para (special athletes), youth and seniors,” paliwanag ni Agra.
Maglulunsad sa darating na Sabado ang POSF ng isang kauna-unahang face-to-face ninja event sa panahon ng pandemya na gaganapin sa Pretty Huge Obstacles sa SM Aura sa ilalim ng mahigpit na health and safety protocols na ipinapatupad ng Inter Agency Task Force on Emerging Infectious Disease.
Kommentit