ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | June 27, 2021
Marami pa rin sa ating mga kababayan ang hindi pa makayanang makakuha ng kanilang sariling tahanan dahil wala pa silang kapasidad para gumawa nito. Kaya naman, habang hindi pa nila kaya ay pansamantala muna silang nangungupahan at ang inuupahang bahay ang kanilang magiging tahanan at ng kanilang pamilya. Sila ay magbabayad ng kaukulang renta kapalit ng kanilang maayos na paninirahan sa nasabing lugar na inuupahan.
Kapag mayroong sira dala ng tagal na paggamit sa lugar na inuupahan, sila ay may karapatang hilingin sa nagpapaupa na ipaayos ang mga ito para manatiling kaaya-aya habang sila ay nananatili rito. Malinaw na nakasaad sa Article 1654 ng New Civil Code of the Philippines, obligasyon ng isang lessor o nagpapaupa na:
“Art. 1654. The lessor is obliged:
xxx xxx xxx
(2) To make on the same during the lease all the necessary repairs in order to keep it suitable for the use to which it has been devoted, unless there is stipulation to the contrary.”
Dagdag pa rito, sa Article 1663 ng parehas na batas, binigyang-diin naman ang obligasyon ng lessee o nangungupahan sa pagsasabi sa lessor ng mga kinakailangang repairs:
“Art. 1663. The lessee is obliged to bring to the knowledge of the proprietor, within the shortest possible time, every usurpation or untoward act which any third person may have committed or may be openly preparing to carry out upon the thing leased.
He is also obliged to advise the owner, with the same urgency, of the need of all repairs included in No. 2 of Article 1654.
In both cases the lessee shall be liable for the damages which, through his negligence, may be suffered by the proprietor.
If the lessor fails to make urgent repairs, the lessee, in order to avoid an imminent danger, may order the repairs at the lessor’s cost.”
Maliwanag sa mga nabanggit na artikulo ng batas na maliban kung mayroong estipulasyon o kasunduan na kontra rito, sa mga kinakailangang ayusin na sira sa ari-ariang pinauupahan, obligasyon ng lessor o nagpapaupa na gawin ito at ang tanging obligasyon ng lessee o nangungupahan ay ang kagyat na ipaalam sa lessor o nagpapaupa ang pangangailangang ayusin ang nasabing sira. Kung walang gagawin ang lessor o nagpapaupa hinggil sa mga kinakailangang gawin, maaaring ipagawa ito ng lessee o nangungupahan kung saan ang pagbabayad o pananagutan sa gastusin ay maipapataw sa lessor o nagpapaupa.
Kaya kapag ang nangungupahan ay nagsabi sa nagpapaupa na may mga kinakailangang ayusin sa inuupahan na maaaring magdulot ng pinsala sa nangungupahan kapag hindi naayos ay kinakailangan niyang ipagawa ito o kaya naman ay papayagan niyang ipagawa ito ng nangungupahan at anumang gastusin para rito ay maaaring ibawas sa upa ayon sa kanilang pag-uusapan.
Kapag hindi napanagutan ng nagpapaupa ang kanyang obligasyon ay maaaring maging sanhi ng pagtatapos ng kontrata ng pagpapaupa o kaya naman ay pagkakaroon ng pananagutan sa pagbabayad ng kaukulang danyos tungkol sa pinsala o paghihirap na natamo ng nangungupahan.
Comments