top of page
Search

Obiena 4th place sa Paris Olympics Pole Vault

BULGAR

ni Anthony E. Servinio @Sports | August 6, 2024


Sports News
Photo: EJ Obiena / FB

Uuwi bitbit ang ika-apat na puwesto si EJ Obiena mula sa finals ng Men’s Pole Vault ng Paris 2024 Athletics sa Stade de France Martes ng madaling araw. Hindi nalampasan ng tatlong beses ng Pinoy ang baras sa 5.95 metro upang mabitin sa medalya.


Matapos ang kanyang pangalawang sablay, nagpasya si Obiena na sumubok upang makahabol subalit dumaplis ang kanyang braso sa baras habang pababa na siya. Kahit bigo ay hinigitan niya ang kanyang pagtapos sa ika-11 puwesto sa Tokyo 2020 kung saan tumalon siya ng 5.70 metro.


Kabaligtaran ng kanyang stratehiya noong qualifier, tumalon agad si Obiena at madaling linampasan ang 5.50 at 5.70 metro. Una siyang sumablay sa 5.80 at nag-desisyon na huwag na tumalon at umakyat sa sunod na antas.


Walang kabang nalampasan niya ang 5.85 at 5.90. Sa kabuuan ay nakumpleto niya ang apat sa kanyang walong itinalon sa kompetisyon na tumagal ng mahigit tatlong oras.


Nanatili ang ginto kay Armand Duplantis ng Sweden sa bagong World at Olympic Record na 6.25. Kahit wagi na sa 6.00 ay hindi niya pinalampas ang pagkakataon na daigin ang sarili niyang World Record na 6.24 na itinala noong nakaraang Abril sa Tsina at ang Olympic Record ni Thiago Braz ng Brazil na 6.03 noong Rio 2016.


Pumangalawa si Sam Kendricks ng Estados Unidos sa 5.95 at sundan ang kanyang tanso noong Rio 2016. Pangatlo si Emmanouil Karalis ng Gresya na tulad ni Obiena ay tumalon ng 5.90 subalit napunta ang medalya sa Griyego sa bisa ng kanyang mas kaunting mintis at bumawi sa kanyang pagiging pang-apat sa Tokyo 2020.


Huling nag-medalya ang Pilipinas sa Athletics noong Berlin 1936 sa tanso ni Miguel White sa Men’s 400-Meter Hurdles. Bago noon ay nag-tanso si Simeon Toribio sa Men’s High Jump sa Los Angeles 1932.

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page