ni Gerard Arce @Sports | July 17, 2024
Mga laro bukas (Huwebes)
(Philsports Arena)
2 n.h. - Petro Gazz vs Zus Coffee
4 n.h. - Akari vs Capital1
6 n.g. - Cignal vs Choco Mucho
Pumutok sa opensa si dating De La Salle Lady Spikers May Luna, habang nanguna naman sa depensa si American import Meegan Hart para sa NXLed Chameleon tungo sa kanilang buwenamanong panalo laban sa Galeries Tower Highrisers sa dikdikang fifth set panalo na nagtapos sa 25-19, 22-25, 25-18, 25-27, 15-12, kahapon sa pambungad na handog ng triple header opening day ng Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference sa Philsports Arena sa Pasig City.
Kumamada ang tubong Davao del Norte outside hitter ng kabuuang 17 puntos mula sa 15 kills at limang excellent receptions, katulong ang 6-foot-2 American middle blocker na bumida sa 19 puntos kabilang ang pitong blocks at 12 puntos upang dalhin sa unang panalo ang Chameleons na dumaan sa matinding pagbalasa ng mga manlalaro at coaching staff.
Sumuporta rin sa scoring si Chiara Permentilla sa 14 puntos sa 7 atake, 5 blocks at 2 aces, gayundin sina Lycha Ebon at Jaila Marie Atienza na may tig-siyam puntos at Jhoanna Maraguinot na may walong puntos at 10 excellent digs, habang nagpamalas ng mahusay na pagpapatakbo sa opensa si Janel Maraguinot sa 17 excellent sets.
Nagawang makauna ng grupo nina Luna at Hart sa first set sa gabay ni Chinese coach Cheng Gang, subalit pumalag ang Galeries Towers sa second set na pinagtulungan nina France Ronquillo, import Chuewulim Sutadtad at Andrea Marzan para itabla ang laro.
Muling uminit ang opensa ng Chameleons sa third set na inulit ang ginawang diskarte sa first set, subalit napwersa ng Highrisers ang bakbakang laro sa fourth set na tumagal ng 41 minuto.
Comments