ni V. Reyes | February 11, 2023
Ibinulgar ni Carl Balita, nurse advocate, na wala na rin halos clinical instructors o mga nagtuturo sa Nursing dahil maging sila ay nire-recruit na rin ng malalaking bansa. Ito aniya ang dahilan kaya’t may mga Nursing school na nais sanang tumanggap ng mga estudyante pero minabuti na ring magsara dahil walang magtuturo.
Samantala, kailangan na rin umanong pindutin ang “panic button” dahil sa nararanasang kakulangan ng mga nurse sa Pilipinas.
Tinukoy ng nurse advocate na si Dr. Teresita Barcelo na batay sa datos, mula sa nasa mahigit 600,000 registered nurse sa bansa ay 300,000 ang nag-migrate o nangibang bansa habang tinatayang 172,000 ang nagtatrabaho sa pribado at pampublikong health facilities.
Ang iba naman aniya ay nagtatrabaho sa mga call center, spa at iba pa na may alok na mas malaking sweldo.
Kapwa nalulungkot sina Barcelo at Balita na bagamat ang Pilipinas ang pangunahing pinagmumulan ng mga nurse para sa ibang mga bansa ay hindi kayang mapunan ang sariling kakulangan.
Kaugnay nito, muling umapela sa mga mambabatas ang mga nursing advocate upang mapagtibay ng dalawang Kapulungan ng Kongreso ang Comprehensive Nursing Law of 2015.
Tinukoy ni Barcelo na unang napagtibay noong 2016 ang Comprehensive Nursing Law na nagrepaso sa Republic Act 9173 o Philippine Nursing Act of 2002.
Nakarating na ng Office of the President ang nasabing batas ngunit na-veto o ibinasura ng dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino, Jr.
Giit ni Barcelo, hindi pa rin nareresolba ang problema sa nursing profession dahil bigo ang pamahalaan na gawan ito ng konkretong solusyon.
Comments