ni Anthony E. Servinio @Sports | June 11, 2023
Laro ngayong Martes – Ball Arena
8:30 a.m. Miami vs. Denver
Isang panalo na lang ang kailangan ng bumibisitang Denver Nuggets at inulit ang pangingibabaw sa Miami Heat, 108-95, upang itayo ang 3-1 lamang sa 2023 NBA Finals kahapon sa Kaseya Center. Maaaring wakasan ng Nuggets ang seryeng best-of-seven ngayong Martes sa harap ng kanilang mga tagahanga sa Ball Arena.
Ang shoot ni Kyle Lowry sa simula ng second quarter, 23-20, ang naging huling halakhak ng Miami at mula roon ay umusok si Aaron Gordon para sa 15 puntos at lumamang ang Denver sa halftime, 55-51. Hindi na nakatikim ng lamang ang Heat at nagbuhos ng walong sunod-sunod na puntos sina Bruce Brown at Kentavious Caldwell-Pope para sa pinakamalaking agwat, 108-91, at 1:21 sa fourth quarter.
Nagtapos si Gordon na may 27 puntos, malaking angat mula sa pinagsamang 39 sa unang tatlong laro ng serye. Hindi naka-triple double si Nikola Jokic dahil napaupo ng matagal bunga ng problema sa foul subalit matindi pa rin ang kanyang 23 puntos at 12 rebound.
Hindi lang si Gordon ang umangat ang laro at gumawa ng 21 puntos si Brown kumpara sa kabuuang 26 sa huling tatlong laro. Si Jamal Murray na ang bahala sa pasahan at nagtala ng 15 puntos at 12 assist, ang ika-apat na sunod laro na may 10 o higit siyang assist.
Sumandal pa rin ang Miami kay Jimmy Butler na may 25 at Bam Adebayo na may 20 puntos at 11 rebound. Nalimitahan muli ng depensa ang Heat at hindi sila pinaabot ng 100 puntos gaya ng mga pagkabigo nila sa Game One at Three.
Kahit mabigat ang nakasampa sa balikat ng Miami, alam nila na hindi imposible ang bumangon mula sa 1-3 at nagawa na ng prangkisa ito noong 1997 East Semis laban sa New York Knicks.
Comments