ni Lolet Abania | May 13, 2022
Inihahanda na ng pamahalaan ang tinatayang 3 milyong COVID-19 vaccines na donasyon ng Pilipinas sa kalapit na mga bansa, ayon sa National Task Force (NTF) Against COVID-19.
Sinabi ni NTF special adviser Ted Herbosa na una nang ipinaalam sa kanya na ang Sputnik V vaccines ay ido-donate sa mga bansa sa Association of Southeast Asian Nations.
“I think Laos Cambodia, Myanmar ang mga target countries to receive it kasi kulang sila ng vaccine. Myanmar, I think, specifically for Sputnik,” ani Herbosa sa Laging Handa briefing ngayong Biyernes.
“And then may na-mention din na African countries that want them. So ‘yun ang current situation. I’m sure kung meron pang pwedeng i-donate, ido-donate natin,” dagdag ng opisyal.
Matatandaan noong Abril, binanggit ni Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire na ang gobyerno ay nakikipag-ugnayan na sa Myanmar at Papua New Guinea para i-finalize ang gagawing donasyon.
Samantala, ayon kay Herbosa nasa tinatayang 1 milyon doses ng AstraZeneca vaccine na donasyon ng COVAX facility ang nag-expired mula sa iba’t ibang rehiyon.
“Pero ito ay pinangako ng COVAX na papalitan nila. So, hinihintay lang natin ‘yung replacement noon because there were donations naman,” sabi ni Herbosa.
“Naka-distribute ‘yan sa iba’t ibang region na, 'no. So, ang shelf life naman nila, after dumating sila from donation by COVAX, dini-distribute ‘yan from our national warehouse to the different regions,” dagdag pa niya.
Comments