News @Balitang Probinsiya | August 2, 2024
ILOILO CITY -- Isang notoryus na drug pusher ang dinakip ng mga otoridad sa drug-bust operation ng mga operatiba kamakalawa sa Zone 3, Brgy. Boulevard, Molo District sa lungsod na ito.
Kinilala ang suspek na si Amador Florentino, hustong gulang, residente sa nasabing lungsod.
Ayon sa ulat, may tinanggap na impormasyon ang mga otoridad na nagbebenta ng shabu ang suspek kaya nagsagawa ng drug-bust operation ang mga operatiba na naging dahilan upang madakip ang pusher.
Nabatid na nakakumpiska ang mga otoridad ng 50 gramo ng hinihinalang shabu at markadong pera sa pag-iingat ng suspek.
Nakapiit na ang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
82 bahay, natupok
BACOLOD CITY – Nasa 82 bahay ang tinupok ng apoy sa kamakalawa sa Purok Kagaykay, Brgy. 2 sa lungsod na ito.
Ang sunog ay nagmula sa tahanan ng hindi pinangalanang residente sa naturang lugar.
Ayon sa ulat, nakita ng mga residente na sumiklab ang sunog sa isang bahay at dahil sa mabilis na pagkalat ng apoy ay nadamay ang 81 pang kabahayan.
Wala namang iniulat na nadisgrasya sa naganap na insidente.
Sa ngayon ay inaalam pa ng mga arson investigator ang sanhi at halaga ng napinsala sa 82 tahanan na nasunog sa nabanggit na barangay.
Bagitong pusher, nasakote
CAMARINES SUR -- Isang bagitong drug pusher ang naaresto sa buy-bust operation ng pulisya kamakalawa sa Brgy. Triangulo, Naga City sa lalawigang ito.
Kinilala ng pulisya ang suspek sa alyas na “Dugong,” nasa hustong gulang at nakatira sa nabanggit na barangay.
Ayon sa ulat, nagpanggap na buyer ng droga ang mga otoridad at nang pagbentahan sila ni “Dugong” ng shabu ay agad dinakip ng mga operatiba ang suspek.
Nabatid na nakakumpiska ang mga otoridad ng limang sachet ng hinihinalang shabu at marked money sa pag-iingat ng suspek.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Stepdaughter, ni-rape ng stepfather
CEBU -- Isang stepfather na gumahasa sa kanyang 14-taong gulang na stepdaughter ang naaresto ng mga otoridad kamakalawa sa bayan ng Talisay sa lalawigang ito.
Hindi na pinangalanan ng pulisya ang suspek upang maitago ang pagkakakilanlan ng biktima.
Nabatid na madalas umanong pagsamantalahan ng suspek ang biktima at dahil hindi na matiis ng dalagita ang panggagahasa sa kanya ay inireklamo na nito sa mga otoridad ang kanyang stepfather.
Agad na rumesponde ang mga operatiba at dinakip ang suspek.
Hindi naman nanlaban ang suspek na nahaharap sa kasong statutory rape.
Hozzászólások