Noranian, marami raw natulungan... LIFE STORY NI NORA, ISASAPELIKULA
- BULGAR
- 4 hours ago
- 3 min read
ni Vinia Vivar @Frankly Speaking | Apr. 21, 2025
Photo: Nora Aunor - Instagram
Ibinunyag ni Direk Joel Lamangan na may pinaplano siyang biopic para sa pumanaw na nag-iisang Superstar at National Artist for Film na si Nora Aunor.
Sumakabilang-buhay si Ate Guy nitong nakaraang Miyerkules, April 16, 2025.
Sa Facebook (FB) post ni Direk Joel ay nagbigay-pugay ang batikang direktor sa nag-iisang Superstar na nakatrabaho niya sa anim na pelikula — The Flor Contemplacion Story (TFCS), Muling Umawit ang Puso (MUAP), Bakit May Kahapon Pa? (BMKP), Sidhi, Hustisya at Isa Pang Bahaghari (IPB).
Ayon kay Direk Joel, bago pumanaw ang Superstar ay pinag-uusapan nila ang paggawa ng bio flick nito.
“Meron kaming pinag-usapan sanang importanteng pelikula na isusulat ng kaibigan naming si Ricky Lee - ang Nora Aunor Story, nakausap namin ang prodyuser, naghihintay lamang ng tamang panahon. Sayang wala na si Ate Guy pero itutuloy namin ‘yun!” pahayag ni Direk Joel.
Ginunita rin ng awad-winning director ang kabaitan ni Ate Guy noong nabubuhay pa.
“Mabait si Ate Guy sa lahat ng katrabaho niya. Ayaw niya ng may naaapi o naaagrabyado lalo na sa mga crew na maliit lang ang bayad. Sa last day ng filming, tiyak meron s’yang ibibigay na tulong na pera sa lahat,” pag-alala ni Direk Joel.
“Tuwang-tuwa ang mga manggagawa sa kabutihang loob n’ya. Nang matapos ang shooting ng Flor Contemplacion sa Sta. Cruz City Jail sa Sta. Cruz, Laguna, pinapila niya ang mga presong nakasama namin at pinagbibigyan niya ng pera,” kuwento pa ng direktor.
Hindi rin makalimutan ni Direk Joel nang nagsu-shooting sila ng Sidhi at nakita ni Ate Guy ang magsasaka na malungkot. Nilapitan daw ito ng Superstar at tinanong kung bakit ito malungkot.
Ang sagot daw ng magsasaka ay namatay kasi ang kalabaw niya at wala siyang pambili, agad-agad ay binigyan daw ito ni Ate Guy ng pambili ng bagong kalabaw.
“Maluha-luhang tinanggap ng matanda ang pera at nagpasalamat! Ilan lamang ‘yan sa mga kabutihang nasaksihan ko, kung gaano kalaki ang puso n’ya sa mga naghihirap!” saad pa ni Direk Joel.
“Paalam, Ate Guy, mananatili ka sa aking alaala at sa puso ko! Sa muling pagkikita! MABUHAY KA!!!!” pagtatapos ng filmmaker.
Samantala, kasalukuyang nakaburol ang labi ni Ate Guy sa The Heritage Park sa Taguig. Gagawaran siya ng state necrological services at ililibing siya sa Libingan ng mga Bayani ngayong Martes, April 22.
NAGPAABOT din ng kanyang taos-pusong pakikiramay si Sen. Lito Lapid (LL) sa pagpanaw ni Nora na nakatambal niya sa dalawang pelikula noong 1980 na Kastilyong Buhangin (KB) at 1981 para sa Gaano Kita Kamahal (GKK).
Sa kanyang ipinadalang statement, binigyan ng pagpupugay ni Sen. Lito ang ating nag-iisang Superstar.
“Lubos ang aking pakikidalamhati sa pagpanaw ng isang tunay na alamat sa larangan ng sining at pelikulang Pilipino—ang nag-iisang Superstar, si Nora Aunor. Mapa-arte man o kantahan, komedya man o drama, telebisyon man o pinilakang tabing, ang angking talento ni Nora Aunor ay nagningning ng higit sa kaninumang bituin sa kasaysayan ng ating bansa.
“Ang mahigit sa dalawandaang pelikula at palabas na tinampukan ni Nora Aunor ay hindi lamang nagbigay-aliw sa ating mga kababayan, kundi nagsilbing liwanag na nagdala sa atin sa ginintuang panahon ng pelikulang Pilipino habang sinasalamin ang realidad ng buhay na siyang nagbigay-kamulatan sa marami nating kababayan.
“Sa kanyang mga pagganap, binigyang-tinig niya ang mga naaapi, ang mga tahimik, at ang mga nawalan ng boses sa lipunan. Ipinakita niya na ang sining ay hindi lang aliwan—ito ay maaaring maging makapangyarihang sandata upang pukawin ang damdamin, imulat ang isipan, at itulak ang pagbabago,” pahayag ng action star.
Inalala rin ni LL ang panahong nakatrabaho niya si Ate Guy at kung paano niya nasaksihan mismo ang husay nito bilang aktres. Dito rin niya nakilala ang pagkatao ng Superstar.
“Apatnapu't limang taon na ang nakalilipas ay nagtambal kami sa dalawang drama films na idinirek ng yumaong batikang direktor na si Mario O’Hara. Kastilyong Buhangin noong 1980, at Gaano Kita Kamahal noong 1981.
“Doon ko namalas nang personal ang pambihirang galing ng isang Nora Aunor. Si Nora ay isang tunay na propesyonal, mapagkumbaba, at puno ng malasakit sa kapwa. Ang kanyang pamana ay hindi matutumbasan at ang kanyang pagkawala ay isang malaking kawalan sa ating bansa. Inaalala natin siya bilang isang premyadong aktres, asawa, ina, alagad ng sining, at tunay na Filipina,” aniya.
“Sa pamilya, mga kaibigan, at sa milyun-milyong tagahanga ni Nora Aunor—ipinaaabot ko po ang ating taos-pusong pagdamay. Mabuhay ang alaala ng Superstar,” pagtatapos ni Sen. Lito Lapid.
Comments