ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Jan. 17, 2025
PANAWAGAN SA PEOPLE OF THE PHILIPPINES, HUWAG MAGPABUDOL SA MGA SIKAT NA SENATORIAL CANDIDATES -- Panawagan sa People of the Philippines. Hindi pa huli para magbago ng pananaw sa mga senatorial candidates.
Nasabi natin ito kasi kung pagbabasehan ang mga lumalabas na survey sa SWS, Pulse Asia, OCTA, Publicus patungkol sa top 12 na posibleng manalo, ay si Sen. Bong Go lang na laging pasok sa mga survey ang epektibo at may nagawa sa kapakanan ng mamamayan, tulad ng Malasakit Center-Free Hospitalization sa mga public hospital, free laboratory at paanakang Super Health Center, pagsasabatas ng maayos na mga evacuation center, pagpapabuti sa serbisyong health care sa pakikipag-ugnayan sa PhilHealth at Dept. of Health (DOH). Pero ang ibang senatorial bets ay wala pang nagmarka sa isipan ng mamamayan na kanilang nagawa, sikat lang ang kanilang mga pangalan kaya pumapasok din sa top 12.
Maraming tulad ni Sen. Bong Go na kuwalipikadong maging senador at huwag sanang magpabudol ang taumbayan sa mga sikat na kandidato na kapag nasa puwesto na pulos pabida lang ang gagawin sa Senado, pero sa paghahatid serbisyo ay mga “nganga,” period!
XXX
IWAS-PUSOY LANG SI PBBM SA ISYUNG IMPEACHMENT, SA GALAW NG KAMARA AT STATEMENT NI ENRILE TILA MALACAÑANG ANG NASA LIKOD NG IMPEACHMENT VS. VP SARA -- Magkasalungat ang sinasabi ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) at kanyang presidential legal counsel na si dating Sen. Juan Ponce Enrile sa isyung impeachment kay Vice Pres. Sara Duterte-Carpio.
Sabi kasi ni PBBM ay tutol siya na i-impeach si VP Sara, pero ayon naman kay Enrile ay nasa Konstitusyon daw ang impeachment, na tila pabor siyang ma-impeach ang bise presidente.
‘Ika nga, tila iwas-pusoy lang si PBBM na kunwari ayaw niyang ma-impeach si VP Sara, pero sa galaw ng Kamara na naghahanda na sa gagawing impeachment at paggiit ni Enrile na nasa Konstitusyon ang impeachment, ay indikasyon ito na ang Malacañang ang nasa likod para patalsikin sa puwesto si VP Sara, boom!
XXX
MAS MALAKI ANG INUBOS NI PBBM SA KANYANG CONFI AND INTEL FUNDS KAYSA INUBOS NI VP SARA NA CONFI FUND -- Sinabi ni senatorial bet, Sagip Partylist Rep. Rodante Marcoleta na hindi raw siya pabor na sini-single-out lang ng Kamara ang imbestigasyon sa confidential fund ni VP Sara kasi hindi lang daw ang Office of the Vice President (OVP) at pinamunuan nitong Dept. of Education (DepEd) noon ang may confi funds dahil may confidential funds din daw ang ibang sangay ng pamahalaan.
Hindi man pinangalanan ay waring ang tinutumbok ni Marcoleta ay ang Office of the President (OP) na may nakakalulang tig-P4.5 billion confidential and intelligence funds.
Kaya kung nagawa ng Kamara na imbestigahan ang P650 million confi fund ni VP Sara sa OVP at DepEd, dapat imbestigahan din ang confi and intel funds ni PBBM lalu’t ayon sa Commission on Audit (COA) ay halos naubos ang P4.5B (confi and intel funds) ng OP nang hindi nalalaman ng taumbayan kung saan ito ginastos at inubos ng Presidente, period!
XXX
SA PANAHON NG MARCOS ADMIN, MARAMING NAGUTOM NA PAMILYANG PINOY NOONG PASKO -- Sa survey ng SWS ay 25.9% ng mga pamilyang Pilipino ang nakaranas ng gutom nitong nakalipas na Disyembre 2024, na ibig sabihin ay sa bawat 1,000 pamilya, 259 pamilya ang nakaranas ng gutom nitong nakalipas na Kapaskuhan.
Patunay ang survey na iyan na ‘pang-uunggoy’ lang sa publiko ang ibinida ni PBBM na ang Paskong Pilipino ang pinakamasaya sa mundo, kasi hindi puwedeng maging masaya ang mga pamilyang Pinoy na nakaranas ng gutom sa araw mismo ng Pasko, boom!
Comments