ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | March 7, 2022
Tulad ng ating pangamba mula nang sumiklab ang giyera ng Russia at Ukraine, taas-presyo sa mga bilihin at krisis sa pagkain ang dulot nito, lalo na’t supplier pa naman natin ang Ukraine ng trigo na sangkap ng harina.
Biruin n’yo naman, sumirit sa 73% ang presyo ng trigo sa ‘trading’ nitong Byernes, kung saan mula sa dating $7.80 kada bushel pumalo na sa $13.50 dahil sa giyerang Ukraine at Russia, kaya ang resulta niyan, tataas na rin ang presyo ng trigo sa merkado, kung saan tayo umaangkat.
Tengga rin ang kanilang pagsu-supply ng trigo sa iba’t ibang bansa at tigil din ang pagtatanim ng Ukraine. At dahil d’yan, nakabababahala na kapag naubos ang imbak nating trigo, paano na lang tayo?
At dahil sa imported na trigo umaasa ang ating mga kababayang flour miller, siguradong lalaki rin ang kanilang gastusin sa produksiyon nito na tiyak ipapasa rin nila sa mga gumagawa ng tinapay at mga mamimili, dagdag-gastusin din ang mataas na presyo ng LPG! ‘Kalokah!
Paano na lang ang mga nagtitipid na mga Pinoy na nagmemeryenda ng tinapay at inuulam ang noodles kapag sumirit ng husto ang presyo ng harina dahil sa napakamahal na trigo? Juicekolord!
Bilang chairman ng Senate committee on economic affairs, nakikita nating IMEEsolusyon na maghanap na muna tayo ng alternatibong supplier ng trigo at isa ritong puwede ang China.
Makihati na muna tayo sa supply ng China na malapit sa atin, lalo na’t inalis na nito ang restriksiyon sa mga ini-export ng Russia.
Pero take note, kailangang plantsahin na muna natin sa kanila ang presyuhan sa trigo habang naghihintay pa tayo sa mas inaasahang supply sa U.S. at Australia, ‘di bah!?
IMEEsolusyon din ang non-wheat flour bilang alternatibo sa trigo sa paggawa ng tinapay at para maiwasan nating umangkat sa Thailand at Vietnam ng mga non-wheat flour, magtanim na rin tayo at mag-ani ng sarili nating mga tanim, tulad ng bigas, kamote, patatas at munggo.
‘Wag na nating isnabin ang potensiyal ng mga non-wheat flour sa paggawa ng tinapay, lalo na’t napatunayan na ‘yan at ginamit na sa iconic Nutribun na super masustansiya!
‘Yan ang isa sa makatutulong para mabawasan ang pagtaas ng presyo ng tinapay at sa kagutumang dinaranas ng ating mahihirap na mga kababayan! Agree?!
Commenti