ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | Jan. 18, 2025
ISSUE #341
Ang kuwento na aming ibabahagi sa araw na ito ay hango sa kasong People of the Philippines vs. Renato Flores alias “Darling”, Marvin Plaza alias “Marvin”, Rogelio Bermudez Larase, Jr. alias “Cabrong”, Ronnie Davis and Jeffrey Autida (G.R. No. 269202, June 18, 2024, Supreme Court, Manila [Second Division]).
Isang malagim na pamamaslang ang sinapit ni Ronel, biktima sa kasong ito. Ang natatanging saksi sa naturang krimen ay ang kanya mismong kasintahan na si Jane. Hindi pa man nagsisimula ang panibagong yugto sa kanilang buhay, pinaglayo na agad sila ng tadhana.Kaugnay sa kaso ng yumaong si Ronel, ang mga inakusahan sa Regional Trial Court (RTC) ng Davao City para sa krimeng murder ay sina Renato, Marvin, Rogelio, Ronnie at Jeffrey. Kabilang sa mga kapwa-akusado ay ang noon ay wala pa sa hustong gulang na sina “AAA”, “BBB”, “CCC”, “DDD” at labing-lima pang mga miyembro diumano ng “Responde Gang” na mga nanatiling at-large. Samahan n’yo kaming balikan ang mga pangyayari ukol sa kamatayan ni Ronel at tunghayan n’yo ang naging pinal na desisyon ng hukuman.Batay sa mga impormasyon na naitaguyod ng tagausig, naganap ang malagim na pamamaslang kay Ronel noong ika-29 ng Disyembre 2008 sa Panacan, Davao City. Diumano, bandang alas-2:00 ng hatinggabi, habang natutulog sina Jane at Ronel sa bahay ng kanilang kaibigan, sinipa ni AAA ang bintana ng naturang bahay, dahilan upang siya ay makapasok. Tinangka umanong tagain ng bolo ni AAA si Ronel, subalit nakaiwas ang huli at nakatakbo palabas ng nasabing bahay.
Agad umanong sumunod si Jane at sa paglabas niya ay nakita niya ang dalawampung miyembro ng “Responde Gang”.
Tinangka umanong saksakin ni CCC si Jane gamit ang isang kutsilyo, subalit napigilan ito ni AAA. Gayunman, iniutos diumano ni AAA kay CCC at sa ibang mga miyembro ng naturang pangkat na habulin si Ronel.
Nang mahabol si Ronel ay pinagsasaksak diumano ito nina BBB, CCC, DDD at Renato. Meron diumanong dalawang miyembro, na hindi pinangalanan ni Jane, ang humawak kay Ronel habang ito ay pinagsasaksak hanggang sa bawian ng buhay.
Nakita ni Jane ang buong pangyayari, sapagkat siya ay nakatayo lamang may walo hanggang siyam na metro ang layo kay Ronel.
Hindi man napigilan ni Jane ang pamamaslang sa kanyang nobyo, agad naman umano siyang humingi ng tulong sa kanyang ina. Ipinaalam nila sa pinuno ng kanilang purok ang malagim na insidente na siyang nakipag-ugnayan sa mga pulis. Nakuha umano ng mga taga-Scene of the Crime Operatives ang bangkay ni Ronel sa pinangyarihan ng insidente.
Bandang alas-9:00 ng umaga, nagtungo umano si Jane at ang kanyang ina sa Sasa Police Station upang isumbong at ilahad ang detalye ng pagpaslang kay Ronel.
Sa pamamagitan ng hot pursuit operation na isinagawa ng mga pulis at sa tulong ng isang asset at pagkilala ni Jane, nadakip sina BBB, CCC, DDD at Renato. Maging si AAA ay nadakip din pagkatapos.
Batay sa testimonya ni Jane sa hukuman, pamilyar diumano sa kanya ang mga miyembro ng “Responde Gang” na nakibahagi sa pamamaslang sa kanyang nobyo, dahil ipinakilala na sila sa kanya ng isang nagngangalang Joy, miyembro ng naturang pangkat. Madalas diumano na nakikita ni Jane ang mga ito sa kanilang tambayan sa palengke.
“Not guilty” ang naging pagsamo ng mga Children in Conflict with the Law o CICLs na sina AAA, BBB, CCC at DDD sa hukuman. Ganundin, ang naging pagsamo nina Renato, Marvin, Rogelio, Ronnie at Jeffrey.
Sa ibinabang desisyon ng RTC, guilty beyond reasonable doubt para sa krimen na murder ang naging hatol sa CICLs na sina AAA, BBB, CCC at DDD. Gayunman, sinuspinde ang kanilang sentensya alinsunod sa probisyon ng A.M. No. 02-1-18-SC o ang Rules on Juveniles in Conflict with the Law, habang patuloy naman ang pagdinig sa kaso laban kina Renato, Marvin, Rogelio, Ronnie at Jeffrey.
Mariin na pagtanggi ang iginiit ni Renato. Diumano, siya ay natutulog sa kanilang bahay noong paslangin ang biktima. Nagising na lamang umano siya bandang alas-6:00 ng umaga noong Disyembre 29, 2008 at naghanda para sa kanyang trabaho bilang isang konduktor ng dyip. Hindi niya umano kilala si Jane at Ronel, bagaman kilala niya umano si Rogelio na isa sa mga kapwa niya akusado at pinatotohanan naman ng kanyang ina ang nabanggit na depensa.
Itinanggi rin ni Marvin na meron siyang kinalaman sa insidente ng pamamaslang. Aniya, mula alas-5:00 ng hapon ng Disyembre 28, 2008 hanggang alas-10:00 ng umaga ng Disyembre 29, 2008 ay nasa trabaho siya sa Panacan Public Market.
Pagtanggi rin ang naging depensa ni Jeffrey. Iginiit niya na mula Disyembre 26, 2008 hanggang Nobyembre 30, 2009 ay nagbabakasyon siya sa Cateel, Davao Oriental. Nalaman na lamang umano niya ang pagkakasangkot sa pamamaslang kay Ronel noong siya ay maaresto na. Hindi niya umano kilala si Jane at Ronel. Isa pa, hindi rin umano siya miyembro ng “Responde Gang”, bagaman kilala niya ang kanyang kapwa-akusado na si Joseph at nakilala na rin niya sina DDD, Renato, Rogelio at Marvin.
Giit naman ni Ronnie na mula alas-5:00 ng hapon ng Disyembre 28, 2008 hanggang alas-6:00 ng umaga ng Disyembre 29, 2008 ay nasa trabaho siya sa Ilang, Davao City, kasama ang kanyang tiyuhin. Nang matapos umano ang kanyang trabaho ay umuwi na siya ng kanilang bahay upang alagaan ang kanyang anak. Hindi rin umano niya kilala si Jane, Ronel at ang mga kapwa niya akusado.
Mariing pagtanggi rin ang iginiit ni Rogelio. Siya umano ay natutulog kasama ang kanyang asawa noong oras ng pamamaslang sa biktima. Nagising diumano siya bandang alas-6:00 ng umaga ng Disyembre 29, 2008 upang maghanda para sa kanyang trabaho. Hindi rin umano niya kilala ang magkasintahan na sina Jane at Ronel, at tanging kilala lamang niya si Renato, sapagkat sila ay magkapitbahay.
Guilty rin ang naging hatol ng RTC kina Renato, Marvin, Rogelio, Ronnie at Jeffrey. Reclusion perpetua o pagkakakulong ng dalawampung taon at isang araw hanggang apatnapung taon ang parusa na ipinataw sa kanila at hindi sila maaaring humiling na maparolan.
Sila ay pinagbabayad din sa mga naulila ng biktima ng civil indemnity, moral damages, exemplary damages, at temperate damages.
Agad silang naghain ng kanilang apela sa Court of Appeals (CA). Kanilang iginiit na hindi sumapat ang pagkilala o identification ni Jane sa kanila bilang mga sumalakay at pumaslang kay Ronel. Ganunman, kinatigan at pinagtibay ng CA ang naunang desisyon ng RTC. Kung kaya’t iniakyat nila ang kanilang pagsamo ng kawalan ng kasalanan sa Korte Suprema.
Binigyang-diin ng mga inakusahan, sa tulong at representasyon ni Manananggol Pambayan R.A. Guazon-Banto, na hindi naitaguyod ng tagausig ng merong moral na katiyakan ang kanilang pagkakakilanlan o identity bilang mga salarin sa pamamaslang kay Ronel.
Matapos ang lubos at puspusang muling pag-aaral ng Kataas-taasang Hukuman, iginawad ang pagpapawalang-sala kina Marvin, Rogelio, Ronnie at Jeffrey. Naging kapuna-puna umano sa Korte Suprema ang mga danger signals sa isinagawang out-of-court identification ni Jane. Diumano, sa sinabing dalawampung miyembro ng “Responde Gang” ay iilan lamang ang kinilala ni Jane, partikular na sina BBB, CCC, DDD at Joseph Doriel. Bagaman sinabi umano ni Jane na nakilala niya ang iba pang mga miyembro ng naturang pangkat batay sa kanilang itsura, wala umanong katibayan na isinumite sa hukuman na nagpapatunay na nakapagbigay siya ng mga paglalarawan ng mga ito.
Binigyang-pansin din ng hukuman ang bahagi ng testimonya ni Jane na kung saan sinabi niya na ang mga pangalan ng iba pang mga akusado ay ibinigay lamang sa kanya ng mga nauna nang naaresto ng mga pulis. Para umano sa Korte Suprema, naimpluwensiyahan na umano nang hindi pinahihintulutan mungkahi ang ginawang pagkilala ni Jane kina Marvin, Rogelio, Ronnie at Jeffrey. Kung kaya’t hindi ito maaaring tanggapin ng hukuman.
Naging kapuna-puna rin umano sa Korte Suprema na sa pagdinig ng naturang kaso sa mababang hukuman ay hindi man lamang umano nakapagbigay nang tiyak o walang pasubali na pahayag si Jane patungkol sa partikular na naging partisipasyon nina Marvin, Rogelio, Ronnie at Jeffrey sa pamamaslang kay Ronel. Dahil dito, nagkaroon ng makatwirang pagdududa sa isipan ng hukuman kung meron nga bang kinalaman ang mga nabanggit na inakusahan sa pagkamatay ng biktima. Kung kaya’t marapat lamang diumano na sila ay ipawalang-sala.
Sa kabilang banda, pinagtibay ng Korte Suprema ang hatol na conviction kay Renato sapagkat sumapat diumano ang positibo na pagkilala sa kanya ni Jane bilang isa sa mga sumalakay at sumaksak kay Ronel.
Hindi umano nakitaan ng Korte Suprema ng anumang indikasyon na naimpluwensiyahan ng suhestiyon ng ibang tao ang pagkilala ni Jane kay Renato bilang isa sa mga salarin ng namayapang nobyo.
Sa pagdinig diumano sa mababang hukuman, direkta at tahasan ang mga naging pahayag ni Jane na si Renato ang isa sa mga sumaksak kay Ronel. Kung kaya’t para sa Korte Suprema, naitaguyod ng tagausig na merong moral na katiyakan ang identity ni Renato bilang isa sa mga salarin.
Kaakibat ng pagtataguyod sa identity ni Renato bilang isa sa mga pumaslang kay Ronel, naitaguyod din ng tagausig ang lahat ng mga elemento ng krimen na murder, alinsunod sa probisyon ng Artikulo 248 ng Revised Penal Code, na (1) Si Ronel ay pinaslang; (2) Si Renato ang isa sa mga pumaslang sa nasabing biktima; (3) Ang pamamaslang ay ginamitan ng qualifying circumstance na abuse of superior strength; at (4) Ang pamamaslang ay hindi parricide o infanticide.
Parusa na reclusion perpetua ang ipinataw ng Kataas-taasang Hukuman kay Renato. Pinagbabayad din siya ng P75,000.00 bilang civil indemnity, P75,000.00 bilang moral damages, P75,000.00 bilang exemplary damages, at P75,000.00 bilang temperate damages, na merong legal interest na 6% bawat taon mula sa finality of judgment hanggang sa mabayaran ang kabuuang halaga.
Ang desisyon na ito ng Korte Suprema ay naging final and executory noong Hunyo 18, 2024.
Bagaman nahatulan ng conviction ang mga CICLs na sina AAA, BBB, CCC at DDD, pati na si Renato, tila hindi pa rin buo o ganap ang hustisya para sa namayapang si Ronel.
Sa isang iglap ay kinuha mula sa kanya ang buhay na pinakaiingatan niya. Kinuha ng mga taong walang habag at awa. Dahil sa nangyari, hindi na niya makakapiling ang mga mahal niya sa buhay.
Sa kabilang banda, ang mga iba pang may kinalaman sa kanyang pamamaslang ay nananatiling at large at hindi pa hinaharap ang kaso na inihain laban sa kanila.
Aming sinasapantaha na makakamit lamang ng kaluluwa ni Ronel ang tunay na katahimikan at hustisya kung mapapanagot na rin ang bawat indibidwal na nakibahagi sa karumal-dumal na krimen na ginawa sa kanya.
Nawa’y makamit pa rin Ronel ang tunay na hustisya, kahit pa siya ay wala na sa mundong ito. Hindi man ngayon, ngunit sana ay sa mga darating na panahon.
תגובות