top of page
Search
BULGAR

‘No work, no pay’ kapag Special Holiday

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Sep. 28, 2024



Magtanong kay Attorney ni Atty. Persida Acosta



Dear Chief Acosta,


Idineklara ng pamahalaan na isang special non-working holiday ang ika-23 ng Agosto taong 2024, para bigyang-daan ang pag-alala sa Ninoy Aquino Day. Kaya naman, hindi ako nagtrabaho noong araw na iyon. Ang pinagtataka ko lang ay sinabi ng aming employer na wala diumano kaming matatanggap na bayad para sa araw na iyon dahil hindi kami pumasok. Gusto ko lang malaman kung bakit may ibang mga holiday, tulad ng Bagong Taon kapag Enero o Araw ng mga Manggagawa kapag Mayo, na kahit hindi kami pumasok ay nakatatanggap kami ng bayad. — Marc


 

Dear Marc,


Para mabigyang-linaw ang iyong tanong, kailangang alamin natin ang pagkakaiba ng bayad na maaaring tanggapin ng isang empleyado sa tinatawag na regular holidays at special holidays. 


Ayon sa Article 94 ng Labor Code of the Philippines: 


ART. 94. Right to Holiday Pay. – (a) Every worker shall be paid his regular daily wage during regular holidays, except in retail and service establishments regularly employing less than ten (10) workers;


(b) The employer may require an employee to work on any holiday but such employee shall be paid a compensation equivalent to twice his regular rate; and


(c) As used in this Article, “holiday” includes: New Year’s Day, Maundy Thursday, Good Friday, the ninth of April, the first of May, the twelfth of June, the fourth of July, the thirtieth of November, the twenty-fifth and thirtieth of December and the day designated by law for holding a general election.”


Kaugnay nito, nakasaad sa Section 6 (a), Rule IV, Book 3, ng Omnibus Rules Implementing of the Labor Code ang mga sumusunod: 


SECTION. 6. Absences. – (a) All covered employees shall be entitled to the benefit provided herein when they are on leave of absence with pay. Employees who are on leave of absence without pay on the day immediately preceding a regular holiday may not be paid the required holiday pay if he has not worked on such regular holiday;


Samakatuwid, ang isang empleyado ay dapat bayaran ng kanyang arawang kita kahit na hindi siya nagtrabaho kapag regular holiday gaya ng Bagong Taon (ika-1 ng Enero) at Araw ng mga Manggagawa (ika-1 ng Mayo) na iyong nabanggit. May kondisyon lamang ito na dapat ay nagtrabaho o naka-leave with pay ang empleyado sa araw bago ang regular holiday. Ang tawag sa bayad na ito ay holiday pay. 


Samantala, ang isang empleyado na hindi nagtrabaho sa araw ng isang special non-working holiday ay walang karapatan na tumanggap ng bayad mula sa kanyang employer. Magkakaroon lamang ng obligasyon ang employer na bayaran ang isang empleyado kung siya ay nagtrabaho sa araw na idineklarang special holiday. Ang tawag dito ay premium pay. Ito ay nakasaad sa Memorandum Circular No. 1, series of 2004 na inisyu ng Department of Labor and Employment: 


2) For declared special days such as Special Non-Working Day, Special Public Holiday, Special National Holiday, in addition to the two (2) nationwide special days (November 1, All Saints Day and December 31, Last Day of the Year) listed under EO 203, as amended, the following rules shall apply:


a) If unworked - No pay, unless there is a favorable company policy, practice or collective bargaining agreement (CBA) granting payment of wages on special days even if unworked.”


Ayon sa Section 1 ng Proclamation No. 368, series of 2023, ang Ninoy Aquino Day ay kasama sa tinatawag na Special Non-Working Day. 


Sa buod, inoobliga ng batas ang isang employer na bayaran ang empleyado ng kanyang arawang kita kahit na hindi siya nagtrabaho sa araw na regular holiday, sa kondisyon na siya ay nagtrabaho o naka-leave na may bayad sa araw bago ang nasabing regular holiday. 


Ngunit, ang isang employer ay hindi kinakailangan na magbayad sa empleyado ng kanyang arawang kita kapag siya ay hindi nagtrabaho sa araw na idineklarang special non-working holiday dahil ang karaniwang patakaran ng batas dito ay “No work, no pay.”


Base sa iyong isinalaysay, maaaring hindi ka bayaran ng iyong employer ng iyong arawang kita dahil hindi ka nagtrabaho noong Ninoy Aquino Day. Muli, ang araw na ito ay kasama sa tinatawag na special non-working holiday.  Kailangan ay nagtrabaho ka sa araw na iyon para makatanggap ng arawang kita na may dagdag na premium pay. 


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page