ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | November 19, 2021
Pro-bakuna tayo at dapat lang magpabakuna na ang lahat para tuluyan nang makontrol ang COVID. Pero, anti-discrimination tayo at hindi dapat ma-harass ang ating mga kababayan.
Sa ganang atin, hindi pa kasi ganun kalaganap ang mass vaccination program. Unang-una, hindi pa ‘yan napalakas, kaya dapat prayoridad ay ang COVID testing.
Ikalawa, maging sa vaccination bagama’t marami na ang bakuna, kapos naman sa syringe, mabagal ang paghahatid sa mga probinsiya, at nahihirapan pa rin ang mga nagpapaiskedyul sa pagbakuna.
Kamakailan, binalaan ang mga LGUs na maraming pasaway at hindi sumusunod sa health protocols sa mga shopping mall. Eh, meron pa ring restaurants na hindi hinahanapan ng vaccine card ang ilang customer para sa makapag-dine-in. Hay naku!
Kaya no wonder, ikinagalit ito ng ating Pangulo.
Kaya naman, ang DILG at mga mayors, meron na silang pinaplanong mga hakbang na mas higpitan pa ang mga shopping malls. Take note, plano pa lang at ikinakasa pa.
Sa harap niyan, ilang ordinaryong residente ang nagparating sa ating tanggapan na hinaharang na at hindi pinapapasok ang mga hindi bakunado. ‘Ika nga, nagpapatupad na ng “no vax, no entry policy”. Teka muna. Aba, oks sana ang intensiyon, pero sa tingin natin ay masyadong harsh ‘yan!
Biruin n’yo, wala pa talagang national policy na nabubuo para rito, paghimok pa lang sa mga business establishments na ‘wag papasukin ang mga hindi bakunado. Pero hindi lahat ‘yan ay dahil sa ayaw magpabakuna. Magkakaiba ang dahilan — ang iba, naghihintay pa ng forever na bakuna at iskedyul.
Ang iba naman, merong hinihintay na resulta para sa kanilang comorbidity at advise ng doktor. At saka, isa pa, hindi naman dapat ipagbawal ang pamimili sa mga grocery para sa basic needs, ano ba! ‘Yung mga dine-in restaurants ang pinahihigpitan!
Nauunawaan natin ang kagustuhan na proteksiyon laban sa virus, pero dahil hindi pa ganun kapulido ang tamang supply, kakapusan ang syringe o hiringgilya, mabagal ang pagdating ng mga bakuna at pag-iskedyul ng pagturok, lalo na sa mga probinsiya, ‘wag naman tayong exaggerated, at ipatupad na agad ang ‘no vax, no entry policy’.
IMEEsolusyon, maging considerate o maunawain muna. Unang-una, wala pang klarong patakaran d’yan, kung hindi sila bakunado, payagan ang kanilang pamimili ng basic na pangangailangan sa mga grocery, pagkain ‘yan! Basta ang importante, istriktong bantayan ang distansiya ng mga tao at nakasuot ng facemasks ang mga mamimili at i-limit ang papapasuking shoppers.
Ikalawa, rendahan ang volume ng mga nagda-dine-in sa restoran sa loob ng malls at sitahin ang mga walang vaccine card na gustong mag-dine in. Ikatlo, maglagay ng malinaw na karatula sa entrance ng mall sa mga policies para maiwasan ang mga pagtatalo sa mga guwardiya.
Bilinan din ang mga security guard na habaan pa ang pasensiya at ‘wag magtataas ng boses sa mga shoppers. Manatiling may respeto at kontrolin ang init ng ulo.
Magpa-Pasko na, bigyan ng kaunting konsiderasyon ang mga hindi pa bakuna. Higpitan lang ang pinaiiral na safety protocols at dagdagan ang mga tao na sisita, siguradong magiging safe lahat tayo. Paki lang, puwede?!
Comments