ni Leonida Bonifacio Sison - @Boses | February 8, 2021
May isang linggo pa bago ang deadline ng Road Clearing 2.0.
Paspasan na ang paglilinis ng mga kalsada sa iba’t ibang panig ng bansa para matutukan na ng mga lokal na pamahalaan ang national vaccination program kontra COVID-19.
Dahil dito, bilang bahagi ng road clearing operations, hinikayat ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang lahat ng lokal na pamahalaan na maglagay ng “no parking” signs sa mga kalsada.
Ito ay para hindi na magbalikan pa ang mga sasakyang naitataboy sa ginagawang road clearing operations.
Kasabay nito, inatasan ng DILG ang Philippine National Police (PNP) na tumulong sa LGUs sa kanilang road clearing operation, lalo na kung may nakakaharap silang pasaway na residente.
Iminungkahi rin ng DILG na bigyan ng kapangyarihan ang mga towing services para mabilis na matanggal ang mga sasakyan na nakakasagabal sa mga kalsada at bangketa.
Matatandaang, noong nakaraang taon pa ipinatupad ang nasabing programa, na naglalayong linisin ang lahat ng nakahambalang sa mga kalsada.
Sa totoo lang, nakakalungkot dahil kailangan pang maglagay ng signages para lang mapigilan ang mga pasaway na gumarahe sa kalsada kahit dapat ay kusa na natin itong ginagawa.
Kunsabagay, ganyan naman talaga ang mga Pinoy, kailangan pang pukpukin bago matauhan.
Gayunman, natatandaan n’yo ba ang lalaking nahagip ng rumaragasang SUV dahil napilitang dumaan sa kalsada dahil sa mga nakaparadang tricycle sa sidewalk?
Sa insidenteng ito pa lang, dapat natuto na tayo. Kaya nga nililinis ang mga kalye ay para sa kaligtasan at kaayusan ng lugar at hindi para humanap ng panibagong sakit ng ulo.
Habang hinihimok ng DILG ang mga lokal na pamahalaan, tayong mamaayan ay may dapat ding gawin. Tandaan na kapag sinabing bawal, ‘wag nang pasaway. At isa pa, ang kalsada ay daanan at hindi garahe!
Utang na loob, kung hindi kayo magiging responsableng car owner at residente, ‘wag nang mag-kotse!
Samantala, para matiyak na lahat ay susunod at hindi tayo puro pananakot o babala lang, tiyaking lahat ng lalabag ay masasampolan.
At kayong mga barangay officials, responsible rin kayo sa kaayusan ng inyong lugar.
‘Ika nga, ‘wag puro asa sa mga nakatataas dahil imposibleng maging matagumpay ang operasyong ito kung may nag-iisang pasaway.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni LEONIDA BONIFACIO SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Commentaires