ni Jersy L. Sanchez @Life & Style | April 16, 2023
Marami sa atin ang may hypertension o high blood.
Ang high blood pressure ay maaaring sanhi ng genetics, paninigarilyo, pagkakaroon ng diabetes at kakulangan sa physical activities tulad ng pag-e-ehersisyo.
Gayunman, ayon sa mga eksperto, maaaring tumaas ang risk ng heart attack at heart disease, kaya mahalaga na ma-maintain ito sa pamamagitan ng medication o lifestyle change.
Dahil dito, patuloy ang paalala ng mga eksperto na regular na magpa-checkup ng blood pressure upang ma-monitor ang level nito, gayundin upang mapayuhan ng mga dapat gawin para ma-maintain ang blood pressure.
Anu-ano naman ang mga natural na paraan para mapababa ang blood pressure nang walang iniinom na gamot?
1. MAG-EHERSISYO. Ayon sa mga eksperto, ang pag-e-ehersisyo o anumang pisikal na aktibidad ay nakakatulong na magpababa ng blood pressure kumpara sa maraming evidence-based medications. Dahil dito, inirerekomenda ng mga eksperto ang 30 minutong pag-e-ehersisyo nang tatlong beses sa isang linggo, kabilang ang warm-up at cool down. Ito ay makakapagpababa ng blood pressure sa loob ng ilang buwan. Ngunit paalala ng mga eksperto, hindi na kakailanganing mag-gym dahil sapat na ang paglalakad nang ilang minuto, gayundin ang mga simpleng exercise na epektib na pampapawis. Dagdag pa nila, kapag mas maraming aktibidad, mas mame-maintain ang blood pressure control.
2. MAGBAWAS NG TIMBANG. Ang 10 pounds ay malaking bagay na umano para sa blood pressure control kung ang isang tao ay overweight. Sa isang malaking pag-aaral tungkol sa high blood pressure, napag-alaman na ang pagbawas ng 4.5 pounds ay nagresulta sa pagbaba ng blood pressure. Sa lahat ng tao na na-monitor sa pag-aaral, 42% ang hindi na nakaranas ng hypertension matapos magbawas ng timbang.
3. BAWASAN ANG PAG-INOM NG ALAK. Sey ng experts, may kaugnayan ang pag-inom ng alak at blood pressure. Binigyang-diin ng eksperto na kapag ang isang tao ay umiinom ng dalawa hanggang tatlong baso ng alak kada araw, posibleng tumaas ang blood pressure. Dahil dito, inirerekomenda ang pagbabawas ng intake ng alcoholic drinks. Gayunman, ang binge drinking ay mayroon ding epekto sa blood pressure levels.
4. BAWASAN ANG SALT INTAKE. Knows n’yo ba na napag-alaman sa isang pag-aaral na isa rin umanong mabisang paraan para mabawasan ang hypertension ay ang pagbawas ng salt intake? Ayon sa mga eksperto, may mga tao na nakakaranas ng salt sensitivity, kung saan ang pagkonsumo ng sodium ay nakakapagpataas ng kanilang blood pressure kumpara sa mga average person. Para sa kanila, ang pagbawas ng salt intake ay may malaking epekto sa kanilang kalusugan.
5. DASH DIET. Ang Dietary Approaches to Stop Hypertension o DASH diet ay isang eating plan na nakapokus sa healthy food sources at limitado ang unhealthy food. Ayon sa mga eksperto, ang pagsunod sa DASH diet ay nagdudulot ng malaking pagbaba ng blood pressure. Gayundin, ito ay nakakatulong sa overall health. Ang DASH diet ay nagbabawas ng red meat consumption, pagkain ng maraming prutas, gulay at nuts.
Kung tutuusin, “basic” ang mga paraan na ito at for sure, kayang-kaya nating gawin kahit gaano pa tayo ka-busy.
Imagine, ang simpleng paglalakad nang ilang minuto kada araw at ilang beses na exercise kada linggo ay makakatulong upang mapababa ang ating blood pressure.
Kasabay ng mga hakbang na nabanggit, tiyaking regular kayong bumibisita sa inyong doktor upang ma-monitor ang inyong kalagayan at agad na malunasan ang inyong nararamdaman. Make sure rin na mayroon kayong healthy diet, okie?
Comments