ni Leonida Bonifacio Sison - @Boses | February 1, 2021
Hindi patas.
Ito ang tingin ng Department of Education (DepEd) sa mungkahi na awtomatikong pagpasa sa lahat ng estudyante dahil sa COVID-19 pandemic.
Paliwanag ni Usec. Diosdado San Antonio, hindi lang ang pag-akyat ng grade level ang importante sa pag-aaral, dahil kailangan umanong matuto ang mga ito bago payagang sumampa sa susunod na academic level.
Giit pa ng opisyal, ang mga estudyante rin ang mahihirapan kung basta sila makakapasa kahit walang tamang assessment para sa kanilang mga natutunan.
Bagama’t nauunawan aniya nila na gusto lamang ng panukala na mabawasan ang stress at makatulong sa mental health ng mga bata, maaari umanong mag-alok ng tulong ang mga guro sa mga estudyanteng ito.
Samantala, matatandaang unang sinabi ng ilang grupo na mas bababa ang kalidad ng edukasyon sa bansa kapag pinairal ang automatic na pagpasa sa mga mag-aaral.
May punto naman ang ahensiya dahil ano pa nga ba ang silbi ng pagsisikap ng mga guro at maraming mag-aaral kung lahat ay ‘ika nga, “auto pass”?
‘Wag nating kalimutan na marami pa ring mag-aaral ang nagsisikap at ginagawa ang kanilang makakaya para pumasa. Ngunit sa kabilang banda, mayroon namang ilang estudyante na hindi naman seryoso sa kanilang pag-aaral.
Kung talagang gusto nating makatulong sa mga mag-aaral, alamin natin ang tunay na problema. Kumusta ang sitwasyon sa bahay? Ang internet connection, kaya pa ba?
Tandaan na ang layunin ng pagpapatupad ng blended learning sa gitna ng pandemya ay upang patuloy na mabigyan ng sapat at de-kalidad na edukasyon ang mag-aaral, sa tulong ng mga guro na nagdoble-kayod.
Kaya utang na loob, pag-isipan at pag-aralan ang bawat hakbang na gagawin para hindi mabalewala ang lahat ng ating pagsisikap para sa edukasyon ng kabataan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni LEONIDA BONIFACIO SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comentários