ni Lolet Abania | June 16, 2021
Maaari nang alisin ang mga face shield kung nasa labas ng bahay dahil sa mababa ang panganib ng transmission ng COVID-19 sa mga open space, ayon sa isang opisyal ng Department of Health.
Nang tanungin kung ang mga manggagawa na nagtatrabaho sa labas ay papayagan nang alisin ang kanilang mga face shields habang naka-duty, inamin ni DOH Undersecretary Leopoldo Vega na ang moisture o tubig na nabubuo sa face shields ay posibleng maka-distract sa mga workers.
“‘Yung face shields, kakailanganin naman talaga ‘yan ‘pag nasa indoor ka, nasa mall ka, or ‘pag may interaction ka face-to-face inside,” ani Vega sa Laging Handa briefing ngayong Miyerkules.
“Pero ‘pag nasa outside naman, kasi alam naman natin ang risk of transmission is very low, at lalung-lalo na kapag naglalakad ka lang sa kalye o kaya nagtatrabaho ka, kasi makaka-affect ‘yung moist nito so puwede n’yong tanggalin ‘yan,” dagdag niya.
Matatandaang umani ng kontrobersiya si Manila Mayor Isko Moreno, matapos na hilingin sa gobyerno na pag-isipan ang polisiya ng pag-oobliga ng paggamit ng face shield kapag nasa labas ng bahay.
Giit naman ni DOH Secretary Francisco Duque III, patuloy dapat na nakasuot ng face shields ang mga mamamayan dahil nananatiling mababa ang bilang ng nababakunahan ng COVID-19 vaccines. Gayundin, ang paggamit aniya ng face shield ay sinuportahan ng siyensiya.
Gayunman, hindi pa tumutugon ang DOH sa hiling na linawin ang face shield policy. Noong nakaraang taon, ayon sa DOH, nasa desisyon ng Inter-Agency Task Force on COVID-19 response (IATF) para sa piling laborers gaya ng construction workers na maaari nang alisin ang kanilang face shields. Subalit, diin ni Vega, ang face shields ay kinakailangan pa ring isuot indoors para sa “dagdag-proteksiyon” laban sa COVID-19.
Comments