ni Lolet Abania | December 7, 2020
Ipapatupad ng lokal na pamahalaan ng Manila ang “no contact apprehension” para sa mga traffic violators sa lungsod simula ngayong Lunes (December 7, 2020).
Nagsimula kaninang umaga ang aktibidad ng programa sa kanto ng Quirino at Taft Avenues, Manila na pinangunahan ni Mayor Isko Moreno. Layon ng nasabing programa na mapigilan ang korapsiyon sa mga traffic enforcers at maiwasan din ang pagtatalo sa pagitan ng mga ito at ng mga motorista, gayundin ang posibilidad ng COVID-19 transmission.
Gayunman, ang mga motorista ay pagmumultahin ng P2,000 sa first offense, P3,000 sa second offense at P4,000 sa third offense para sa mahuhuling lalabag sa trapiko tulad ng pagsuway sa traffic control signals at signs, obstruction sa mga pedestrian lanes, driving on yellow box, overspeeding, hindi pagsusuot ng helmet para sa mga motorcycle riders at pagsasawalang-bahala sa lane markings.
Para naman sa counterflowing, reckless driving, at hindi pagsusuot ng seatbelts ay pagmumultahin ng P3,000 sa first offense, P4,000 sa second offense, at P5,000 sa third offense na lalabag sa panuntunan.
Naging posible ang programa sa tulong ng 36 high-definition CCTV cameras na nakalagay sa mga kaukulang lugar sa Manila. Ang command center ang siyang nagmo-monitor 24/7 ng mga cameras.
Ang mga registered owners ng mga sasakyan na mahuhuling lalabag ay makatatanggap ng isang formal notice. Sakaling balewalain ang nasabing notice, maaaring kumpiskahin ang lisensiya o ang registration renewal ng sasakyan.
Comentários