ni Jasmin Joy Evangelista | September 11, 2021
Nagsagawa ng kilos-protesta sa Bonifacio Shrine ang ilang grupo para ipanawagan ang pagbabasura ng "no contact apprehension" policy sa Maynila.
Kabilang sa mga nagkasa ng protesta ay ang mga miyembro ng PISTON, Laban TNVS, Defend Jobs Philippines, Metro Manila Taxi Operators Association, Manibela at Bangon TNVS.
Dagdag-pasanin anila ang polisiya sa mga maliliit na driver at operator lalo na ngayong may pandemya.
Giit pa nila, ‘wag naman daw sanang magpatulad ng patakaran na siya ring papatay sa kanilang kabuhayan.
“Ang problema dito hindi mo na maipagtatanggol 'yung sarili mo dahil camera na 'yung kukuha sa'yo... Ang transport serbisyo rin, nagseserbisyo kami sa mamamayan, eh, ‘di dapat tulungan kami hindi dapat pahirapan ng local at national [government]," ani PISTON National President Modesto Floranda.
Nanawagan din sila na babaan ang halaga ng multa lalo na sa mga simpleng violation.
Nakikiusap din ang mga grupo kay Manila Mayor Isko Moreno na huwag na itong ipatupad.
Patuloy na umaasa ang mga transport group na pakikinggan ang kanilang mga hinaing.
Comments