ni Eli San Miguel - Trainee @News | February 11, 2024
Nangako si Davao de Oro Governor Dorothy Montejo Gonzaga na ipatutupad ang no-build zone policy sa mga mapanganib na lugar na tinukoy ng Project NOAH matapos ang nakamamatay na landslide sa Maco, ayon sa pahayag ng provincial government ngayong Linggo.
Binigyang-diin ni Edward Macapili, isang executive assistant sa Davao de Oro, na mahalaga na ipatupad ang polisiya dahil itinuturing ang buong probinsya bilang isang ‘mining area.’
Itinuturing ang Project NOAH (Nationwide Operational Assessment of Hazards) bilang isang integradong programa sa pagsugpo at pag-iwas sa sakuna ng Department of Science and Technology (DOST). Isa sa mga bahagi nito ang pagtukoy ng mga eksaktong lugar na may mataas na posibilidad ng pagguho ng lupa.
Noong Martes ng gabi, isang landslide ang tumama sa garahe ng isang bus company, barangay hall, at residential areas sa Zone 1 Barangay Masara sa bayan ng Maco.
Naunang ibinunyag ni Macapili na idineklarang no-build zone ang lugar kung saan naganap ang landslide.
Namatay ang 30 katao dahil sa insidente, habang 77 naman ang patuloy na nawawala.
Comments