top of page
Search
BULGAR

NLEX, nagtaas na ng toll fee, palpak pa rin — Sen. Gatchalian

ni Mylene Alfonso | June 24, 2023




Isang linggo mula nang tumaas ang singil sa toll fee sa North Luzon Expressway (NLEX), patuloy ang reklamo ng maraming gumagamit dito sa lumalalang sitwasyon ng trapiko, lalo na kapag peak hours.

Ayon kay Senador Win Gatchalian, dapat inudyok na muna ng Toll Regulatory Board (TRB) ang operator ng NLEX na tugunan ang problema sa trapiko sa kahabaan ng toll road bago ito pumayag na magtaas ng toll.

“Imbes na magtaas ng toll sa NLEX, dapat inobliga ng TRB ang NLEX Corporation na ayusin ang problema sa choke points sa kahabaan ng toll road. Dapat sinukat muna ng TRB ang performance ng expressway,” ani Gatchalian.

Sinabi pa ng senador na ang pumapalpak na electronic toll collection system ng NLEX Corporation ay isang sanhi ng pagsisikip ng trapiko sa mga toll booth.


Dapat ding tiyakin, aniya, ng NLEX ang regular na pagpapanatili ng isang maayos at ligtas na expressway para sa kaginhawaan ng mga gumagamit ng daan.

Sinabi rin ng senador na ang sitwasyon ng trapiko sa kahabaan ng NLEX ay inaasahang lalala pa kapag nagbukas na sa 2027 ang bagong international airport na itatayo sa Bulacan.

Ipinatupad kamakailan ng NLEX ang provisional toll adjustment na karagdagang P7 sa “open system” nito para sa Class 1 na sasakyan tulad ng mga kotse, jeepney, van, o pickup mula Balintawak hanggang Marilao sa Bulacan.


May karagdagang toll fee naman na P17 para sa Class 2 na sasakyan tulad ng mga bus at light truck at karagdagang P19 para sa Class 3 na sasakyan tulad ng mga malalaki at mabibigat na trailer truck.


Sa “closed system” naman, nagbabayad na ngayon ang mga motorista ng karagdagang P26 para sa Class 1, P65 para sa Class 2, at P77 para sa Class 3 mula Marilao hanggang Sta. Ines sa Mabalacat, Pampanga.


Batay sa Consolidated Resolution ng TRB Case Nos. 2018-02 at 2020-07 ng TRB, staggered basis ang pagpapatupad ng toll increase sa 2023 at 2024.


Nangangahulugan na bukod aniya sa pagtaas ng toll ngayong taon, magkakaroon pa ng karagdagang pagtaas sa susunod na taon.


0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page