ni Ambet Nabus @Let's See | August 3, 2024
Mainit pa ring pinag-uusapan ang Sandro Muhlach rape issue lalo’t may usaping legal nang inihahanda ang pamilya ng batang aktor, sa pangunguna ng tatay nitong si Niño Muhlach.
At sa pagpapalabas nga ng additional official statement ng GMA-7, malinaw na hindi talaga nila kukunsintihin ang dalawang contractors o project talents nila, lalo’t hindi naman bago ang ganitong iskandalo sa kanilang network. In fact, kahit sa ibang outfits gaya ng ABS-CBN, TV5 o mga film productions, marami nang katulad na insidente ang noon pa man ay nagaganap na.
At dahil lumaki na nang lumaki ang usapin, marami tuloy ang nag-iisip na posibleng hindi lang kay Sandro nangyari ang sinasabing panghahalay o pangmomolestiya ng dalawang LGBTQ members.
At ang nakakaloka pa rito, kahit ang naturang komunidad na madalas humihingi ng patas na trato at pagtanggap sa lipunan ay kinondena ang kanilang act.
Hindi pa nagbibigay ng pahayag si Aga Muhlach, ang maituturing na pinakamalaki at maimpluwensiyang member ng Muhlach clan sa showbiz.
Bihirang magpasabog ng pahayag si Aga para sa kanilang angkan, pero kapag nagsalita ito, naku, pag-iingatan o katatakutan mo talaga!
Bentang-benta sa fans… MARIS AT ANTHONY, GAGAMITIN LANG DAW NI MEME VICE SA MMFF MOVIE
Ay, bongga rin ang MaThon o Maris Racal at Anthony Jennings tandem, ha?
Tiniyak mismo ni Meme Vice Ganda na hindi sila magiging pang-dekorasyon lang sa MMFF entry din nilang And The Breadwinner Is….
Ayon nga kay Meme, tailor made for MaThon ang roles nila at kahit ang direktor nitong si Jun Lana ay aminadong fan nina Maris at Anthony, thus making their roles significant and important sa movie.
Sa kuwento pa lang ng co-star nilang si Kuys Jhong Hilario, mapi-feel mo na binibigyan ng importansiya ang tandem ng MaThon.
Sey pa nga nito na laging masaya sa set nila at madaling hingan ng pabor ang dalawa, lalo’t may mga ini-endorse itong mga food at drinks.
Marami kasi ang nang-iintriga na baka raw magaya lang sa mga nakasamang “sikat na tandems” noon ni Meme ang MaThon at magamit lang para ma-attract ang mga audience.
Luh, may ganu’n? Hahaha!
Uy, box-office phenomenon naman si Meme Vice at dahil na-miss siya ng mga fans, sure namang rarampa ang entry nila sa box-office come MMFF time. Proven na ‘yan!
Bongga ang naging script reading nina Bossing Vic Sotto at Papa Piolo Pascual para sa kanilang gagawing MMFF entry na The Kingdom.
Bukod daw kasi sa naging isang bonggang piging ito with all the food and drinks na sagana, naging venue rin ito sa mga Marites na panay tsikahan ang ganap. Hahaha!
But seriously, maayos at masaya raw ang naging bonding nina Papa P at Bossing na first time ngang magsasama sa isang movie.
May dagdag-tsika lang ang aming source na umano’y may request yata ang both camps na isama sa movie ang ilang ‘friends’ nila na umaarte rin on cam aside from being co-investors din sa project.
Sey tuloy ng aming source, “Naku, magsama ba naman ang parehong “frugal”, pagdating sa gastusin at investment, gusto nila, ma-maximize ang investment nila, Hahaha!”
Hahahaha! Kayo naman, iba naman ang ‘frugal’ o pagiging wise na nagtitipid sa pagiging kuripot, 'noh! Basta ang garantiya ng aming source, never nilang titipirin ang movie dahil may pagka-fantasy adventure ito, na alam nating magastos sa props at costumes pa lang.
Comments