top of page
Search
BULGAR

Night shift differential pay para sa mga kawani ng pamahalaan, batas na

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | May 23, 2022


Hindi nasayang ang ating pagsisikap na maging isang ganap na batas ang patungkol sa pagkakaroon ng night shift differential pay ng mga manggagawa sa ating pamahalaan.


Bilang Chairman ng Senate Committee on Civil Service, Government Reorganization and Professional Regulation, ako mismo ang nag-akda o principal author at sponsor ng Senate Bill 643 o ang "AN ACT GRANTING NIGHT SHIFT DIFFERENTIAL PAY TO GOVERNMENT EMPLOYEES INCLUDING THOSE IN GOVERNMENT-OWNED OR CONTROLLED CORPORATIONS AND APPROPRIATING FUNDS THEREFOR."


Aking masigasig na isinulong ang panukalang batas upang magkaroon nga ng night shift differential pay ang mga manggagawa ng gobyerno na nagtatrabaho sa pagitan ng alas-6 ng gabi hanggang alas-6 ng umaga kinabukasan.


Sa pinal na bersiyon ng naturang batas, lahat ng government employees na nasa position items mula Division Chief pababa o kahalintulad nito kabilang na ang mga nasa government-owned and controlled corporations, maging permanente, contractual, temporary o casual ay kailangang bayaran ng night differential.


Hindi dapat naiiba ang mga empleyado ng gobyerno kung ikukumpara sa mga pribadong kumpanya at kailangang bayaran sila ng hindi naman hihigit sa dalawampung porsyento (20%) ng bawat oras ng kanilang basic rate.


Ang naturang batas ay inaamyendahan na rin ang Republic Act No. 7305 o ang Magna Carta of Public Health Workers na nagbibigay naman sa public health workers ng sampung porsyento (10%) lamang mula sa kanilang regular wage bilang kanilang night shift differential pay.


Labis nating tinutukan ang panukalang ito at ginawa ko ang lahat ng aking magagawa para ipaglaban ang karapatan ng mga manggagawa sa pamahalaan at sa tulong ng Panginoon ay naintindihan ng mga kapwa ko senador ang nais kong mangyari.


Matapos ang paulit-ulit na paliwanagan at palitan ng mga opinyon sa Senado ay naipasa natin ang panukalang batas na ito hanggang sa ikatlo at pinal na pagbasa na labis na inaabangan ng mga manggagawa sa gobyerno lalo na ang mga public healthcare workers.


Mahalagang-mahalaga ang batas na ito lalo na sa mga medical frontliners mula sa public healthcare system kaya karapat-dapat lamang na magkaroon ng karagdagang benepisyo dahil kaligtasan ng ating mga kababayan ang kanilang tinutugunan.


Hindi nga pala kabilang sa batas na ito ang mga government workers na kailangan ang kanilang serbisyo sa loob ng 24 oras araw-araw tulad ng mga kaanib ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at Bureau of Fire Protection (BFP).


Hindi rin kabilang sa night differential pay ang mga may kahalintulad na posisyon at kailangan pang idetermina muna ng Civil Service Commission (CSC) at ng Department of Budget and Management (DBM).


Naging ganap na batas ang ating panukalang night shift differential pay para sa mga kawani ng gobyerno noong Abril 13 matapos lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang iniakda nating panukala at ngayon ay isa nang ganap na batas at inilabas na ito noong Mayo 16.


Ilang minuto matapos lagdaan ng Pangulo ang naturang batas ay nakatanggap na tayo ng napakaraming pasasalamat sa social media at maging sa ating personal na account na labis namang ikinatutuwa ng ating puso.


Noon pa man ay alam naman ninyong malapit sa aking puso ang mga manggagawa kaya santambak na panukala ang ating isinumite sa Senado na alam nating malaki ang maitutulong para gumaan ang kanilang buhay.


Hindi lamang manggagawa sa gobyerno ang ating inaasikaso dahil maging ang mga manggagawa sa pribadong sektor at maging ang mga maliliit na manggagawa sa showbiz industry ay may mga nakalaan tayong plano.


Kaya lamang ay alam naman natin ang sistema sa Senado na kailangang ipaglaban muna ang isinumiteng panukala at kapag nakumbinse natin ang kapwa natin mambabatas ay wala namang problema at tiyak na uusad naman ito para maging isang ganap na batas.


Marami pa tayong nakabimbing panukala sa Senado at tulad ng dati ay inspirasyon ko sa paggawa ng batas ang sambayanang Pilipino at hinding-hindi tayo papayag na masayang ang ipinagkaloob ninyong tiwala sa inyong lingkod.


Anak Ng Teteng!

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page