top of page
Search
BULGAR

‘NGP Act’, para sa mas mahusay, epektibong procurement system ng gobyerno

ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | June 2, 2024



Agarang Solusyon by Sonny Angara


Sa kasalukuyan, bagaman naka-break sa sesyon ang dalawang sangay ng Kongreso (Senado at ng Kamara de Representantes), at magbabalik sa araw ng SONA ng Pangulo, tuluy-tuloy ang ating pag-aaral sa mga panukalang patuloy nating isusulong sa mga darating na araw.


At isang karangalan na bago natapos ang sesyon, isa sa mga inihain nating panukala, kung saan tayo ang pangunahing author, ang naihabol sa pagpasa ng Senado – ang New Government Procurement Act (NGPA).


Sa ngayon, lagda na lamang ng Pangulo at tuluyan na itong mapagtitibay.  

Sa ilalim ng naturang panukala (Senate Bill 2592 o ang NGPA), isusulong ang pagiging bukas ng gobyerno sa mga transaksyon, upang mas mapahusay, mas maging epektibo, accountable at sustainable sa kanilang procurement process.


Ilang buwan din nating isinailalim sa masusi at mabusising pag-aaral ang panukalang ito. Katunayan, dumaan tayo sa napakaraming pakikipag-ugnayan at konsultasyon sa stakeholders na kinabibilangan ng sangay ng Ehekutibo. At dito, kahit isa sa mga layunin natin ay makatipid ang gobyerno, sinisiguro pa rin natin na epektibo ang serbisyo.  


Pero, ano nga ba itong NGPA? Ito ang batas na hahalili o mag-aamyenda sa RA 9184 o ang Government Procurement Act na 21 taon nang umiiral. Nagsilbi itong pundasyon ng gobyerno para mapangalagaan ang public funds at maisalba mula sa anomalya. Ang nakamamangha lang, kahit napaka-istrikto na ng batas na ito, talagang may mga taong hindi takot lumabag sa batas at talagang tuloy pa rin ang katiwalian.  


Ang RA 9184 ay inisponsor ng aking yumaong ama, si dating Senate President Ed Angara noong siya ay senador pa, at talaga namang gumawa ng ingay ang batas na ito noon dahil tinagurian itong “world-class legislation” ng dating World Bank Philippine Country Director na si Joachim von Amsberg.


Sa NGPA, sakop ang lahat ng government procurement and proper market scoping, supply positioning, analysis of available procurement modalities at risk management.


Ipinakilala rin sa NGPA ang mga bagong mode of procurement tulad ng competitive dialogue; unsolicited offer with bid matching; direct acquisition; direct sales o ang tinatawag na pasabuy; direct procurement for science, technology and innovation, at ang isa sa pinakaimportanteng nilalaman nito: ang Most Economically Advantageous Responsive Bid (MEARB).


Ang MEARB ay tugon sa obserbasyon ng maraming ahensya at institusyon ng gobyerno sa mga kwestiyonableng kalidad ng mga binibiling gamit ng pamahalaan. Ito ‘yung nabanggit natin na bagaman sinisiguro nating makatitipid ang gobyerno sa pagbili ng mga kagamitan, dapat ay masiguro ring hindi madaling masira o mahinang klase ang nabili.


Isa rin sa mahahalagang nilalaman ng NGPA ang kautusang pagpapaigsi sa bidding activities. Kung dati, umaabot ng 90 days ang sistema, ngayon, dapat matapos ang proseso sa loob lamang ng 60 araw. Ang 60-day process na ito ay mag-uumpisa sa pagsisimula ng bids hanggang sa contract awarding.


Napakaganda ng panukalang ito dahil isa rin sa mga layunin nito na mabigyan ng solidong suporta ang ating mga lokal na industriya, gayundin ang mga maliliit na negosyante na kadalasan ay ‘di nabibigyan ng pagkakataong makalahok sa mga bidding sa gobyerno dahil sa kawalan ng track record. Ngayon, dahil sisiguruhing makalalahok ang small businesses sa bidding, sigurado rin na makakapag-level up na sila. Suporta rin ang NGPA sa mga industriya, produkto at serbisyong Pinoy.

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page