ni Jasmin Joy Evangelista | January 8, 2022
Sa pambihirang pagkakataon, walang mga deboto sa Quiapo Church para sa Pista ng Itim na Nazareno ngayong Linggo.
Matatandaang sinuspende ang pagdaraos ng mga pisikal na aktibidad, kabilang ang mga misa, sa Quiapo Church bilang pag-iingat ngayong tumaas na naman ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
Bagaman may ilang debotong nagtangkang lumapit sa simbahan, pinauwi rin sila ng mga nakabantay na pulis.
Ayon kay Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula sa misa na kanyang pinangunahan nitong Linggo ng madaling araw, sinabi niyang si Hesus ang lumalapit sa mga deboto, sa kanilang mga pamilya at tahanan kaya hindi kailangang lumapit ng mga deboto sa imahe ng Nazareno.
Naiintindihan umano ni Hesus ang pinagdadaanan ng mga Pilipino ngayong panahon ng pandemya.
Samantala, tuloy-tuloy ang online mass kada oras hanggang mamayang 9:00 p.m.
Comments