top of page
Search
BULGAR

Ngayong National Children's month…Paigtingin ang learning recovery ng mga mag-aaral

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | November 10, 2022


Sa pagdiriwang ng National Children's Month ngayong Nobyembre, hinihimok ng inyong lingkod ang pamahalaan na tutukan ang kapakanan ng kabataan habang patuloy ang pagbangon ng bansa mula sa pandemya ng COVID-19.


Maliban sa learning loss o pag-urong ng kaalaman dahil sa kawalan ng face-to-face classes dulot ng pandemya, kapuna-puna rin ang pagtaas ng banta ng karahasan sa kabataan at ang tsansang makaranas sila ng problema sa mental health noong kasagsagan ng mga lockdown.


Bukod sa kahalagahan ng pagkakaroon ng mga hakbang sa pagbangon ng sektor ng edukasyon, kailangan din nating patatagin ang mga programa upang tugunan ang pangangailangan ng kabataan. Kabilang ang pagpapatupad ng learning recovery, psychosocial intervention at programa para sa child protection.


Sa ilalim ng Senate Bill No. 150 o ang Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Act na isa sa mga priority bills natin ngayong 19th Congress, isinusulong ang pagkakaroon ng programa para sa national learning intervention na tutugon sa learning loss. Magiging bahagi ng panukalang programa ang mga tutorial sessions at remediation plans. Tututukan din ng naturang programa ang mga essential learning competencies sa Language, Mathematics at Science.


Layon din ng panukala ang sapat na probisyon ng suporta sa pangangailangang nutritional, social at emotional health ng kabataan upang tiyakin ang kanilang pangkalahatang kapakanan. Ito ay upang maging mas matatag ang kabataan at maging mas mahusay sila pagdating sa kanilang pag-aaral.


Inihain din natin ang Senate Bill No. 379 o ang Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act. Layon ng naturang panukala na gawing institutionalized ang Mental Health and Well-Being Program. Isinusulong ng panukalang batas ang pagkakaroon ng Mental Health and Well-Being Center sa lahat ng mga paaralan sa basic education upang maghatid ng mental at well-being services na tutugon sa pangangailangang mental, emotional at developmental ng mga mag-aaral, guro at non-teaching personnel.


Sa patuloy na pagbangon natin mula sa pandemya, mahalaga na tutukan ng Senate Committee on Basic Education ang kapakanan ng kabataan, lalo na’t kasama sila sa mga pinakaapektado ng pinsalang dulot ng COVID-19. Mahalagang hakbang ang muling pagbabalik ng face-to-face classes, ngunit marami pa tayong maaaring gawin upang lalo pang itaguyod ang kaligtasan at kapakanan ng kabataan.

 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

0 comments

댓글


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page