ni V. Reyes | March 12, 2023
Nakatakdang maglabas ang Land Transportation Office (LTO) ng pamantayan ng presyo ng enrollment fees sa driving schools ngayong buwan sa gitna ng mga reklamo na malaki ang gastusin sa pagkuha ng lisensya ng pagmamaneho.
Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Arturo Jay Art Tugade, posibleng mangalahati na lang ang halaga ng driving school fees.
“A few days ago nag-meeting kami noong committee na finorm natin at mayroon na silang na-prepare na reasonable standard rate fees that I plan to rollout dito sa mga driving schools,” ayon kay Tugade.
“Iyong fee po na iyon, doon sa mga nanonood naman na mga driving schools, we don’t intend to fix the fee pero we will impose a ceiling on the fees that the driving schools will be able to charge,” dagdag nito.
Kasabay nito ay naninindigan si Tugade na maituturing na anti-poor ang kanilang itatakdang standard na enrollment rates ng driving schools.
“Pero hindi po matatapos iyong month of March, magkakaroon na po iyan ng order from our office. At before the end of March, malaki po ang ginhawa at tulong na sana ang maibigay po ng LTO doon sa mga student driver applicants natin,” ayon pa sa opisyal.
Sa ngayon ay nasa P100 ang application fee ng student permit at karagdagang P150 para sa mismong student permit fee.
Kung nais naman na makakuha ng non-professional license ay nasa P100 ang processing fee at P585 para sa mismong lisensya.
“Iyong cost po na iyon ay napupunta po sa LTO pero it’s really to also shoulder the cost of the plastic cards, pati na rin po iyong administrative expense na kasama doon sa pag-issue noong driver’s license,” paliwanag ni Tugade.
Comments