Tips para 'di umabot sa sakitan ang pakikipagtalo.
ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | April 15, 2021
Tag-init na ngayon. Pati ulo ng tao, ang daling kumulo at mag-init. Konting kibo, naha-highblood na! Ang sigalot ay bahagi ng bawat isang relasyon. Gaano man kaayos ang relasyon ng dalawang tao dumarating ang sandali na mayroon din silang hindi napagkakasunduan at isang bagay ang kailangang lutasin sa pagitan nilang dalawa. Pag-aralan lamang kung paano makipagtalo nang hindi hahantong sa malalang away ay makatutulong na ito upang tagumpay ninyong maresolba ang lahat nang walang nasasaktang ibang tao at makasakit ng inyong relasyon.
1.Alamin ang isyu na kailangang lutasin. Gumawa ng mga plano para maresolba ito. Ang isang mainam na plano ay makatutulong upang malutas ang anumang alitan nang mapayapa.
2.Trabahuhing mabuti kung paano lulutasin ang problema, hindi ang magkonsentra sa pagkadismaya at magagalit. Kapag ang layunin ng isang argumento ay para isumbat ang dati nang sama ng loob, walang tiyak na mangyayaring magandang solusyon sa problema. Tiyakin na hindi mo magagawang mambato ng anumang maliit na problema sa gitna ng pagtatalo. Lutasin ang isang problema sa pagbibigay ng tamang panahon na ikalulutas nito.
3.Pigilan ang panggigigil na siraan ang karakter o pagkatao ng iba. Oo, talagang nakagigigil na idiin ang tao sa kanyang masamang ugali o kaya ay saktan ang loob niya sa mainitang pagtatalo, tiyak na wala namang kahahantungang resulta ang lahat kapag pinairal ang panunumbat at siraan ng ugali.
Siguradong kapag may nasaktan man sa bawat isa, matatanim pa rin sa damdamin ng isa ang sama ng loob sa mahabang panahon at iyan ngang mga salitang tumarak sa kanyang dibdib ay gawa ng away na naganap.
4. Oo, nangyari na ang pagtatalo. Sarado na ang mga isipan kung sino ang tama at mali sa bawat isa. Nararapat na bago pa lamang na uminit ang sitwasyon ay agad nang ayusin ang pinagtatalunan. Huwag makikipag-aaway kung ipipilit lamang ang sarili na lagi kang tama sa bandang huli.
5. Ihinto na rin ang pambabato ng akusasyon sa naturang tao. Ang mga pangungusap na gaya ng, “lagi ka na lang” at “hindi ka kahit kailan” ay dapat na mga salitang iiwasang masambit. Sa halip mas mabuti pang bitiwan ang mga salitang,” Nararamdaman ko,” sa halip na “Masyado mo akong…”
6. Magkaroon ng malayong pagitan sa bawat isa. Okey lang na habang nakikipagtalo ay lumalayu-layo ka ng hakbang para mapalamig ang sarili. Ito’y para mapigilan mo rin naman ang sarili na makapagbitaw ng masamang salita o makapanakit na maaaring ikasisi sa dakong huli.
7.Tapusin na lamang ang away na tiyaking walang nasira ang pagkatao ng bawat isa. Kung maaari, bigyan muna ng tsansa ang isa’t isa na makapagpalamig at saka mag-usap sa ibang araw at iyan ay kung kapwa na kayo nakapag-isip-isip ng inyong kamalian pareho at makahingi na rin ng tawad sa bawat isa.
Comentários