ni Mylene Alfonso | May 1, 2023
Pinayuhan kahapon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang mga manggagawang Pilipino na huwag mawalan ng lakas ng loob, sipag, at pag-asa sa kabila ng mga hamon sa buhay bago ang pagdiriwang ng Araw ng Paggawa ngayong Mayo 1.
Sa kanyang talumpati, kinilala ni Pangulong Marcos ang hirap na kinakaharap ng mga manggagawa, tulad ng kawalan ng trabaho, pagtaas ng presyo ng mga bilihin, at kawalan ng access sa mga benepisyo ng gobyerno.
Dahil dito, ipinangako ng Pangulo ang proteksyon sa mga manggagawa na uunahin sa ilalim ng kanyang administrasyon.
"Sa kabila ng mga hamon ng buhay, 'wag kayong mawalan ng lakas ng loob, ng kasipagan, at ng pag-asa. Nawa’y panatilihin n'yo ang pagsisikap, integridad, at pagmamahal sa lahat ng inyong gawain. Ipamalas natin ito at ipamana sa ating mga anak at susunod na ating salinlahi," sabi ni Marcos.
"Ang ating pagsusumikap ay may kakayahang makapagtaguyod ng ating sarili, pamilya, at pamayanan. Ito rin ay may kakayahang magpapakita ng pagmamahal at naghahatid ng ginhawa, kapanatagan, at kasiyahan sa ating lahat na lalong mapaunlad ang ating mga buhay," wika pa niya.
Batay sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA), nasa 2.47 milyon ang mga Pilipinong walang trabaho o ang bilang ng mga nasa labor force na walang trabaho o kabuhayan noong Pebrero 2023.
Nabatid na ang bilang ng mga jobless adults na edad 15 pataas ay mas mataas kaysa sa 2.37 milyong unemployed na naitala noong Enero, ngunit mas mababa kaysa sa 3.13 milyong walang trabaho noong Pebrero 2022.
Bago ang kanyang pagtulak patungong Washington, DC kahapon, pinangunahan muna si Marcos sa pagbubukas ng “Kadiwa ng Pangulo Para Sa Manggagawa” outlet sa Pasay City kung saan nagtipon ang higit sa 150 negosyo at nagbebenta mula sa mga kalahok na ahensya.
Comments