ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | April 13, 2022
Ngayong linggong ito ay pansamantala tayong nagkaroon ng pagkakataong magpahinga sa ating mga gawain dahil sa Holy Week. Sana po ay gamitin natin ang panahong ito para pagnilayan ang naging sakripisyo ng ating Panginoong Hesus kung saan inialay Niya ang kanyang sariling buhay para iligtas ang sangkatauhan.
Sana rin po ay magsilbing paalala sa atin ang Holy Week upang mas lalong ipadama natin ang malasakit natin sa ating kapwa, lalo na ang mga pinakanangangailangan sa lahat. Sana’y maging magandang panahon din ito upang mas lalong pag-ibayuhin natin ang ating bayanihan at pagkakaisa bilang mga Pilipino upang mas mabilis nating malampasan ang anumang hamon sa ating buhay at malampasan ang mga ito bilang isang mas matatag na sambayanang Pilipino.
Sa ganang akin, dahil araw-araw kong panata ang magserbisyo sa mga kapwa ko Pilipino, ngayong Holy Week ay isisingit ko pa rin ang paglalatag ng mga plano para sa mga susunod na araw sa aking tungkulin bilang inyong senador, at pagdalaw sa mga komunidad.
Hindi lang naman paggawa ng batas ang trabaho ng isang senador. Kasama rin sa mandato namin ang serbisyo para sa taumbayan at ang pagiging representante ninyo na handang makinig sa inyong mga hinaing. Napakarami po nating mga kababayan na nangangailangan ng tulong, at hangga’t maaari ay gusto ko silang mapuntahan, mabigyan ng tulong at makapag-iwan ng ngiti sa kanilang mga labi sa panahong ito na marami tayong kinakaharap na krisis bilang isang bansa.
Para sa ating mga kababayan na apektado ng pandemya at iba’t ibang krisis, ngayong linggong ito ay nakapaghatid ang aking tanggapan ng tulong para sa 25 pamilyang nasunugan sa Parañaque City, at 48 pamilya naman sa Cebu City.
Nagkaloob din tayo ng ayuda sa 136 na mahihirap na pamilya at solo parents sa Bagac, Bataan; 1,000 benepisyaryo sa San Juan City; 1,000 mula sa iba’t ibang sektor sa Jordan, 1,000 sa Sibunag, 1,000 sa San Lorenzo, 1,000 sa Nueva Valencia, at 2,000 pa mula Buenavista, na mga bayan sa Guimaras.
Nagpunta rin ang aking opisina sa Macabebe, Pampanga para alalayan ang 1,666 benepisyaryo; 333 sa Pura, Tarlac; 383 sa Meycauayan, Bulacan; at 999 sa Sta. Rita, Olongapo City. Sa Las Piñas City ay inayudahan natin ang 2,366 benepisyaryo.
Personal ko ring pinuntahan ang iba’t ibang barangay sa Island Garden City of Samal para mag-abot ng tulong sa 1,500 benepisyaryo mula sa Bgy. San Antonio, Toril, at Sto. Niño.
Mapapansin n’yo na bukod sa mga outreach at relief activities na aking ginagawa, bilang Chair ng Senate Committee on Health ay madalas akong mag-inspection sa mga Malasakit Centers na itinatag sa iba’t ibang lungsod at lalawigan. Gusto kong matiyak na patuloy ang kanilang pagseserbisyo lalo na sa mga mahihirap at walang matakbuhan.
Para naman sa inyo, mga kapwa ko Pilipino, sana ay patuloy lang tayong makiisa sa gobyerno para makatawid na tayo nang lubusan sa pandemyang ito. Patuloy tayong sumunod sa health protocols para makaiwas sa virus. At para sa mga hindi pa bakunado, pinakamalaking sakripisyo na inyong magagawa ang magtiwala sa isinasagawang vaccine rollout ng pamahalaan. Uulitin ko po, at ito naman ay napatunayan na, ligtas ang COVID-19 vaccine, at bakuna lang ang tanging solusyon para tuluyan na tayong makabangon mula sa pandemya.
As of April 11, meron na tayong nakuhang 244,657,960 doses ng bakuna laban sa COVID-19. Mahigit 144 milyon nito ang naiturok na. Subalit kailangan pa nating mas pabilisin ang ating vaccine rollout upang mas mabilis tayong makabalik sa normal na pamumuhay.
Ayon sa pinakahuling ulat ng ating National Task Force Against COVID-19, ang mga rehiyon ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (27.31%), Region 12 (59.26%), Central Visayas (64.46%) at MIMAROPA (64.72%) ang may pinakamababang porsyento ng mga fully vaccinated sa buong bansa. Kailangan din nating hikayatin pa ang mga batang edad 5-11 na magpabakuna dahil 17.69% pa lang sa kanila sa buong bansa ang nakakuha ng kanilang first dose.
Samantala, sa usaping pulitika naman, kailangang pag-isipan din nating mabuti kung sino sa mga kasalukuyang kandidato ang dapat ihalal sa Mayo 9. Lagi nating isaalang-alang ang kinabukasan ng ating bansa, nating mga Pilipino, sa pagpili ng susunod na mga lider. Gamitin natin ang oras na ito upang ipagdasal ang isang mapayapa at maayos na halalan.
Ngayong Holy Week, ipanalangin natin ang ating bansa para malampasan ang mga krisis na ating kinakaharap. Palakasin natin ang ating pananampalataya at patuloy na manalig sa Diyos na siya nating sandalan sa lahat ng oras.
Sa Diyos rin po ako kumakapit at kumuha ng lakas sa aking pagpapakita ng malasakit at serbisyo sa inyo, mga kababayan ko. Ito ay dahil naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo rin sa Diyos.
Kaya tuloy lang po ang trabaho at serbisyo ng inyong Kuya Bong Go. Asahan ninyo na tutulong ako sa abot ng aking makakaya at pupuntahan ko kayo kahit saang sulok ng bansa basta kaya ng aking oras at panahon.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comments