ni Jasmin Joy Evangelista | December 23, 2021
Tiniyak ng National Food Authority na may sapat na suplay ng bigas para sa mga biktima ng Bagyong Odette.
Ayon kay NFA Administrator Atty. Judy Carol Dansal, gagamitin nila ang stocks mula sa ibang mga warehouse na hindi naapektuhan ng bagyo.
Nasira 'yun [bigas sa Taytay, Palawan warehouse] pero may supply na manggagaling sa Narra at sa bodega namin sa Puerto Princesa [Palawan],” pahayag ni Dansal.
Bukod sa Taytay at Palawan, mayroon din daw mga stock ng bigas sa NFA warehouses sa Negros Occidental, Cebu, at Iloilo na nasira dahil sa bagyong Odette.
Sinabi rin ni Dansal na hindi dapat mangamba ang mga apektadong residente hinggil sa suplay ng bigas dahil nakapag-pre-position na ng stocks ang NFA bago pa man manalanta ang bagyo.
“Hindi dapat matakot ang ating mga kababayan doon sa mga areas sa Southern Leyte, sa Region 6, Region 7, at saka sa Palawan, meron po kaming naka-preposition,” aniya.
Sinabi ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC)nitong Martes na nasa 1,113,373 katao o 304,837 pamilya ang apektado ng bagyong Odette.
Comments