top of page
Search
BULGAR

‘New normal’, inihahanda na ng gobyerno – DOH

ni Lolet Abania | February 11, 2022



Naghahanda na ngayon ang pamahalaan para sa pagsasailalim sa Alert Level 1 at sa kalaunan ay patungo sa transisyon ng COVID-19 pandemic sa endemic state ang bansa, ayon sa Department of Health (DOH).


Sa isang media briefing ngayong Biyernes, sinabi ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire na ang Alert Level 1, ang maaaring maging “new normal” ng bansa. Aniya, ito ang idinideklara kung ang case transmission ay mababa at pababa na, at ang kabuuang bed utilization at intensive care unit utilization rates ay mababa na rin.


“Naghahanda tayo para dito sa sinasabi nating new normal. Atin pong tandaan, ang sabi natin, ang Alert Level 1, ito po ‘yung new normal natin dito sa ating bansa,” sabi ni Vergeire.


Ayon kay Vergeire, sa ilalim ng new normal, ang mga restriksyon ay magiging napaka-partikular na o ipapatupad lamang ito sa mga lugar na may high risk ng impeksyon, habang ang capacity limit sa mga establisimyento, mapa-indoor o outdoor man, pati na sa transportasyon ay aalisin na.


“But what would be retained would be our self-regulation,” ani opisyal.


“We still follow the minimum public health standard, we still do masking, we still do hugas, iwas sa matataong lugar, physical distancing, and most importantly, of course, ventilation, air flow,” dagdag ng kalihim.


Gayunman, sinabi ni Vergeire na sakaling luwagan ng gobyerno ang restriksyon, ang mandatory na pagsusuot ng face masks ang maaaring huling aalisin.


“Because it will protect each and every one of us kung saka-sakali, and also not just for COVID-19 but also for the other respiratory infections also,” saad ni Vergeire.


Binanggit din ni Vergeire na inihahanda na rin ng ahensiya na gawin ang mga pribadong establisimyento at public spaces na mas maging ligtas sa publiko sa pamamagitan ng pag-iisyu sa mga ito ng safety seals.


Matatandaang ang National Capital Region ay isinailalim sa Alert Level 2 hanggang Pebrero 15.


Gayundin, sinabi ni Vergeire sa briefing, na sa ngayon ang lahat ng rehiyon sa Pilipinas ay nasa low hanggang moderate risk ng COVID-19 maliban sa Region XII.


Ani Vergeire, ang low risk ay nangangahulugan na ang average daily attack rate (ADAR) sa isang lugar ay mas mababa sa 1 sa kada 100,000 populasyon habang ang moderate risk ay sa pagitan naman ng 1 hanggang 7.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page