top of page
Search
BULGAR

Never daw naging mag-BF… WILLIAM, UMAMING BINIGYAN NG SINGSING AT PENDANT SI MARICEL, NAWALA

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | June 5, 2024



File photo showbiz


Ang pangarap talaga ni William Martinez ay maging dramatic actor pero nauwi siya sa pagiging comedy actor dahil itinambal siya kay Maricel Soriano at nakitaan sila ng rapport.


Kaya ito ang sagot niya sa tanong ni Snooky Serna sa kanyang vlog na ipinost sa YouTube channel nang matanong kung kumusta ang career niya that time. 


Mabilis na sagot ni William, “Nadiskaril nu’ng naging love team kami ni Maricel, kasi ang habol ko, dramatic actor.”


Nagsimula kasi sa pagiging seryosong aktor si William dahil napasama siya sa mga pelikula ng mga sikat na artista noon tulad nina Senator Lito Lapid (hindi pa senador noon), Rudy Fernandez, Bembol Roco at extra pa siya dahil dinaanan lang ng kamera bilang magtataho at kapatid niya si Direk Gina Alajar na hindi pa direktor noon. Ito ay sa pelikulang Ang Leon, Ang Tigre at Ang Alamid nu’ng 1979.


Next ang Beach House nu'ng taong 1980 kasama naman sina Alma Moreno, Rio Locsin, Amy Austria at may isa pang pelikula kasama sina Gina Alajar, Ronnie Lazaro at direktor sina Peque Gallaga at Ronnie Lazaro at Ishmael Bernal.


Sa Bilibid Boys nu’ng 1981, sumikat na si William sa karakter nitong Luga na isinisigaw ng mga fans nu’ng nag-mall show sila sa Ali Mall kasama sina Al Tantay, Gabby Concepcion, Alfie Anido, Mark Gil at Jimi Melendez.


Nakatambal din ni William si Alma Moreno sa Carnival Queen na ipinalabas nu’ng 1981 at sa Brazil ito nag-shoot directed by the late Gil Portes. 


Anyway, nakitaan ng chemistry sina William at Maricel sa Bilibid Boys kung saan guest lang ang aktres.


Sey ni William, “Accident ‘yun kasi kailangang gumawa ako ng pelikula na solo na hindi ko alam. Eh, kasi sa Bilibid Boys, pagbaba ko ng van sa Ali Mall (may promo), lahat ng tao, ang tawag sa ‘kin, Luga, kasi pangalan ko (sa movie), Luga. Tapos sabi sa ‘kin, ‘Pare, sikat ka na.’

“Then, nag-usap sina Douglas (Quijano) at Mother Lily (Monteverde) na bigyan ako ng solo movie, ‘yung Oh My Mama (1981 – kasama si Maricel) at nag-hit ‘yun, sobra, kaya nagkaroon ng love team na William-Maricel. 


“Ang ending, naging comedian ako, comedy actor.”


Sa panayam ni Snooky kay William, nalaman kung ano ang naging real score nila ni Maricel.


Sabi ni Snooky, “Hindi talaga kayo umamin, actually, ‘wag ka mag-deny. Alam n’yo po, may singsing kami ni Maricel Soriano, parehung-pareho.”

Boyfriend naman ni Snooky noon si Albert Martinez.


At ang kuwento ng aktor tungkol sa paniniwalang sila ni Marya, “Hindi po, ito po ang point d’yan kasi, hindi ko nahalikan si Maricel, kundi hug lang sa movie. Ang relasyon, may halikan, pero wala (sinang-ayunan naman ni Snooky). Eh, wala kaming kissing, so wala (relasyon). I gave her a ring, nawala! Pati pendant, nawala, so wala talagang relasyon,” saad ng aktor.


Tanong ulit ni Snooky, “Eh, ano’ng dahilan bakit hindi kayo nagkatuluyan para magka-closure kami (mga naniwalang may relasyon)?”


Sagot ni William, “(Dahil sa) Tsismis lang. Kaming dalawa, closed na. Biglang may tsismis na may close si William, dumating si Lampel Luis (1971 Miss Young Philippines), naging close kami, nagselos s’ya (Maricel), biglang hiniwalayan ako (nilayuan). Dapat kami na, so wala na.

“Pagkatapos, umalis ako. Pagkaalis ko, hilig ko, karera ng kotse (nagpalipas ng sama ng loob), pagbalik ko, may kotse (nakaparada) sa bahay niya, may ibang tao, ‘yun pala ‘yung Michael Rodriguez na may-ari ng Shakey’s, so naging sila.


“Hindi (kami) matuluy-tuloy, so, nu’ng nalaman niya (umalis ako), ‘Bumalik ka, William.’ So, bumalik naman ako, close na naman kami, tapos alis na naman ako. Pagbalik ko, may kotseng Lancer, si Ronnie Ricketts naman. So, alis na naman ako.


“Nu’ng malaman niya, nag-Jackie Lou Blanco ako (kagagawan daw ng namayapang si German Moreno). Sabi kasi ni German, ‘Jackie, gusto mo ba si William? William, gusto mo si Jackie? O, hayan, mag-on na kayo!’ Sabi ko, ‘Ha?’


“Kaya kami ni Maricel, hindi nagkatuluyan kasi kapag meron s’ya (dyowa), lalayo ako, ‘pag meron ako, lalayo siya. So, love-hate relationship, bitin.”


Hayan, klaro, never naging magsyota sina William at Maricel.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page