top of page
Search
BULGAR

Neuro-Psychiatric Exam sa mga drayber para safe sa biyahe, pati pasahero

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | June 24, 2023


Ang pagsasagawa ng Neuro-Psychiatric Examination test ay upang matiyak ang mental stability, adaptability at psychological functioning ng isang aplikante na nais pumasok sa uniformed services ng gobyerno.


Layon ng eksaminasyon ay upang masala ang mga aplikante kung karapat-dapat silang matanggap bilang kaanib ng Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), Bureau of Corrections (BuCor) at lahat ng sangay ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at katunayan nasa 25% lamang ang pumapasa sa naturang eksaminasyon.


Medyo may kahigpitan ang Neuro-Psychiatric Exam sa mga nais pumasok sa government service dahil kailangang dumaan sa written exam at personal interview bago pumasa.


Hindi lang naman sa government service may Neuro-Psychiatric Exam dahil maging ang mga ordinaryong security guard ay kinakailangang dumaan dito bago payagang mag-duty at humawak ng baril.


Marahil ang prosesong ito ay dapat gawing pangunahing requirements na rin sa pagkuha ng professional driver’s license, ngunit mas himaying mabuti ang mga tanong na sasapat lamang sa mga pangangailangan na dapat matiyak sa nais kumuha ng professional driver’s license.


Kumbaga hindi ito gagawing kasing higpit at kasing mahal ng Neuro-Psychiatric Exam para sa pumapasok sa government service dahil ang mahalaga lang ay makatiyak ang pamahalaan na katiwa-tiwala ang mga pagkakalooban ng professional driver’s license.


Hindi natin naisip ang ideyang ito na nais nating pahirapan ang mga gustong magkaroon ng professional driver’s license bagkus nais nating matiyak na karapat-dapat ang mga ito na hindi sila gagawa ng kahit anong kaaliwaswasan sa pagtupad ng kanilang propesyon.


Tulad na lamang ng kinasangkutan ng isang taxi driver na ngayon ay iniimbestigahan ng Land Transportation Office (LTO) dahil sa ginawa nitong kahalayan sa loob mismo ng kanyang minamaneho katabi ang kanyang biktimang pasahero.


Nagsampa kasi ng reklamo ang isang pasaherong transwoman na sumakay ng taxi at pag-upo nito sa passenger side sa tabi ng drayber ay napansin nitong nanonood ng porn ang driver sa kanyang cellphone habang nagmamaneho sa isang lugar sa Iloilo City.


Mabuti na lamang at buo ang loob ng pasahero at nagawa nitong i-record ang nangyayari gamit ang kanyang cellphone na hindi namamalayan ng drayber at nakunan din nang ilabas ng driver ang kanyang ari at harap-harapang nilalaro sa mismong pasahero.


Hindi kumikibo ang pasahero at patuloy lamang sa pagre-record habang nagsasarili ang driver na nanonood ng X-rated film ngunit hindi na nakontrol ng driver ang sarili at bigla na lamang umanong kinuha ang kamay ng pasahero at pilit na pinahahawakan ang nakalabas niyang ari.



Kahanga-hanga ang ipinakitang tapang ng pasahero dahil nagawa niyang tabigin ang driver at nagawa nitong makalabas ng naturang taxi at agad na nagtatakbo palayo.


Ayon sa pasahero, galing lang umano siya sa pag-aasikaso ng ilan sa kanyang dokumento kabilang na ang kanyang passport bago ito sumakay sa naturang taxi sa kahabaan ng Quezon St. ng siyudad na nabanggit.


Kasunod nito ay ini-upload ng biktima (na sadyang hindi pinangalanan) sa social media ang nai-record niyang pangyayari upang kumalat umano ang naganap na kahalayan at hindi na muling makapangbiktima pa ang pinaghahanap na driver.


Samantala, tiniyak ng Iloilo City Public Safety and Transportation Management Office (PSTMO) na natukoy na nila ang address ng driver na nasa edad 22 hanggang 25 pero agad itong tumakas matapos na mag-viral ang nasabing video ngunit, ayon sa mga awtoridad, hindi umano sila titigil hangga’t hindi ito naaaresto.


Ito ang sinasabi kong dapat isailalim sa Neuro-Psychiatric Exam ang isang professional driver dahil may panahong nasa kamay nila ang kaligtasan ng kanilang mga pasahero at kung hindi normal ang takbo ng kanilang pag-iisip ay posibleng sila pa mismo ang magsadlak sa mga ito sa kapahamakan.


Sana lang ay maaresto at managot ang driver sa ginawa niyang kaso. Higit sa lahat ay bawiin ng LTO ang lisensya nito at habang buhay nang huwag bigyan ng professional driver’s license para hindi na maulit pa ang ganitong pangyayari.


Wala kasing ibang basehan sa pagkuha ng professional driver’s license, basta kayang magmaneho kahit hindi matukoy kung sex maniac o mamamatay-tao ay kuwalipikado.


 

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

0 comments

Commenti


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page