top of page
Search
BULGAR

Neuro exam sa mga drayber na binawian ng lisensya

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | September 16, 2023


Matapos maglabas ng show-cause order ang pamunuan ng Land Transportation Office (LTO) ay naobliga nang sumuko ang driver ng Sports Utility Vehicle (SUV) na nasangkot sa pinakahuling road rage sa Valenzuela City na nag-viral sa social media.


Lumutang sa tanggapan ni Valenzuela City Mayor Weslie Gatchalian ang driver ng SUV na si Marlon Malabute dala ang baril na ginamit nito sa panunutok sa taxi driver na si Herminio “Henry” Daez Ong Jr. noong Agosto 19 sa Bgy. Punturin ng siyudad na nabanggit.


Pumutok ang insidenteng ito nang mag-viral noong Setyembre 6 at makaraan ang anim na araw ay sumuko nga itong si Malabute na habang isinusulat ang ulat na ito ay dinala na siya sa Valenzuela City Police Station.


Ang lahat ng detalyeng ito ay galing sa pahayag mismo ni Mayor Gatchalian sa ipinatawag nitong press conference noong nakaraang Martes kung saan iniharap mismo si Malabute kasama ang kanyang abogado.


Nauna rito, sinampahan ng kasong grave threats at alarm and scandal noong Setyembre 11 si Malabute gamit ang kumalat na video, kung saan kitang-kita na tinututukan ng baril ni Malabute ang taxi driver.


Tagumpay ang mga kaanib ng Valenzuela PNP na mahanap ang suspek at biktima makaraang pagsama-samahin ang lahat ng CCTV footage malapit sa lugar na pinangyarihan ng krimen.


Nabatid na kumpleto naman ang papeles ng baril ni Malabute, ngunit agad itong kinansela ng Philippine National Police Firearms and Explosives Office, at inatasan ang suspek na isuko na rin ang naturang baril na nasa pag-iingat na ng pulisya, maliban sa ginamit na Fortuner na hindi pa rin isinusurender.


Mula umpisa hanggang sa matapos ang isinagawang press conference ay minabuti ni Malabute na hindi na magbigay ng kahit anong komento maliban sa pagsasabing sa korte na lamang umano siya magbibigay ng paliwanag.


Maganda ang estratehiya ng suspek na manahimik upang hindi na humaba ang lahat at paglipas ng ilang araw ay unti-unti nang huhupa ang sitwasyon. Lalamig na rin ang ulo ng pobreng taxi driver habang sa huli ay malamang na magpatawad na ito dahil dagdag-abala at gastos pa sa kanya ang pagdalo sa hearing.


Tulad ng unang road rage na kinasangkutan ng dating pulis at ng isang siklista na sa kabila ng napakaraming dumamay sa siklista ay minabuti na lamang nitong patawarin ang pulis at hindi na nagsampa ng reklamo.


Umabot pa sa Senado ang iskandalong kinasangkutan ng ex-cop at cyclist ngunit wala na ring nangyari dahil sa hindi malamang kadahilanan ay tila napakahusay makiusap ng dating pulis at nakumbinsi nitong huwag na magdemanda ang siklista.


Ang ending, balik-ligaya ang ex-cop. Mabuti na lamang at may dati itong mga kaso na nahalukay at dalawang taong suspendido ang kanyang driver’s license bukod pa sa isinampang kaso ng pulisya, kaya kahit paano ay may mga kaparusahan ding kinakaharap ang dating pulis.


Ngayon, heto ang LTO na naglabas ng panibagong pahayag na plano umano nilang mas busisiing mabuti at dagdagan ang mga requirements ng sinumang nasangkot sa road rage sakaling mag-a-apply muli ng driver’s license.


Pinag-aaralan ng pamunuan ng LTO kung paano ito maisasakatuparan sa pakikipagtulungan ng PNP-Highway Patrol Group (HPG) at iba pang ahensya ng pamahalaan dahil sa sunud-sunod na insidente ng road rage.


Nais ng LTO na pagsamahin ang kanilang data sa tanggapan ng HPG upang ma-profile nila ang aplikante ng driver’s license at madetermina kung sinu-sino ang nagmamay-ari ng baril upang ma-incorporate sa aplikasyon sa lisensya.


Maganda ang hakbanging ito ng LTO, ngunit sana ay pairalin ang plano nilang ito kahit ang suspek ay hindi nasampahan ng kaso dahil pinatawad ng complainant ngunit nasuspinde naman ang driver’s license.


Habang wala pang partikular na batas hinggil sa mga de-baril na masasangkot sa road rage ay mabuting bigatan ng LTO ang mga dokumento at isailalim sa neuro examination ang mga tinanggalan ng driver’s license, sakaling kumuha silang muli ng lisensya upang makasiguro na hindi na sila mananakot sa kalye. Sana naman!


 

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page