ni Anthony E. Servinio - @Sports | October 05, 2021
Natalo ang Los Angeles Lakers sa kanilang preseason games kontra sa Brooklyn Nets kahit pa naglaro ang kanilang pambatong sentro at forward na si Anthony Davis.
Hindi naglaro sina LeBron James at Russel Westbrook para sa Lakers habang naupo lang din ang Big-3 ng Nets na sina Kevin Durant, James Harden at Kyrie Irving sa naging panalo ng Nets. Sinimulan ng Brooklyn at Lakers ang preseason na wala ang kanilang mga pambato kung saan nanaig ang Nets sa iskor na 123-97.
Samantala, mapapanood na ang mga Pinoy Pride na sina Sixth Man Jordan Clarkson ng Utah Jazz at rookie Jalen Green ng Houston Rockets. Sasabak ang Jazz ngayong araw sa AT&T Center upang harapin ang San Antonio Spurs sa una ng kanilang nakatakdang laro.
Susunod para kay Clarkson at ang Jazz ang pagdalaw sa Dallas Mavericks sa Huwebes. Uuwi sila sa Vivint Arena para sa huling dalawang laro kontra New Orleans Pelicans sa Oktubre 12 at 2021 NBA World Champion Milwaukee Bucks sa Oktubre 14.
Nagtapos ang Utah na may pinakamataas na kartada sa nakaraang NBA na 52-20 panalo-talo. Sa kasamaang palad, nadisgrasya sila sa playoffs at natalo sa Western Conference Semifinals laban sa Los Angeles Clippers, 4-2.
Malaki ang inaasahan kay Green na pinili ng Rockets na pangalawa sa nakalipas na NBA Rookie Draft. Mapapanood agad ang binata ng kanyang mga tagahanga sa pagbisita ng Washington Wizards sa Oktubre 5 at at Miami Heat sa Oktubre 8 sa Toyota Center at susundan ito ng lakbay ng Rockets sa Toronto Raptors sa Oktubre 12 at Spurs sa Oktubre 16.
Magsisimula ang makasaysayang ika-75 taon ng NBA sa Oktubre 20 na agad may dalawang malaking laro. Sisimulan ng Bucks ang pormal na depensa ng kanilang korona sa pagdalaw sa Nets habang pupunta ang Golden State Warriors sa Lakers.
Samantala, nagbago ang isip ni Golden State Warriors swingman Andrew Wiggins at nagpabakuna na ito kontra sa COVID-19 kaya pwede na itong maglaro sa NBA home games ngayon season, ani coach Steve Kerr kahapon.
Comments