top of page
Search

Neonatal sepsis at bronchial asthma, dagdag na benefit package ng PhilHealth

BULGAR

ni Fely Ng @Bulgarific | June 8, 2024



PhilHealth Kapihan Media


Hello, Bulgarians! Ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ay nagpatupad ng isa pang round ng pagpapahusay sa dalawa sa kasalukuyan nitong mga benefit package, sa pagkakataong ito para sa neonatal sepsis at bronchial asthma na tumaas nang husto ng higit sa 100%.


Ang PhilHealth Circulars 2024-0008 at 0009, ang implementing guidelines ng dalawang case rate package na ito, ay nag-uutos na ang lahat ng pasyenteng na-admit noong Mayo 1, 2024 pataas, ay maaaring mapakinabangan ang dagdag na benepisyo sa mga akreditadong health facilities.


Ayon kay PhilHealth President and CEO Emmanuel R. Ledesma Jr., “the PhilHealth Board has approved the increase in package rate for neonatal sepsis to P25,793 from P11,700 and bronchial  asthma in acute exacerbation to P22,488  from P9,000. The increase translates to 120% and 150%, respectively”. 


Ang neonatal sepsis at iba pang nakakahawang kondisyon ay kabilang sa mga pangunahing sanhi ng pagkamatay sa Pilipinas. Noong 2023, nagbayad ang PhilHealth ng P733.86 milyon para sa mahigit 57,000 kaso para sa nasabing kondisyon.


Sa kabilang banda, ang asthma o hika ay nananatiling isang mabigat na karamdaman sa ‘Pinas sa kabila ng mga pagsulong sa medisina. Ang karamihan sa mga Pilipinong may hika ay walang sapat na kontrol sa kanilang mga kondisyon, na nagreresulta sa pagkaospital. 


Batay sa datos ng PhilHealth para sa 2023, ang hika ay nasa walo sa mga nangungunang medical confinement na tinustusan ng state insurer, kung saan P717M ang binayaran para sa mahigit  90,000 kaso ng asthma.


Tinukoy ng PhilHealth ang neonatal sepsis at bronchial asthma bilang mga prayoridad na kondisyon sa rasyonalisasyon ng All Case Rates packages nito upang higit na mapahusay ang financial coverage at mas mababa, kung hindi man maalis ang mga gastusin mula sa bulsa ng mga pasyente.


Paliwanag pa ni Ledesma, “PhilHealth is continuously improving its benefit packages in line with our thrust Pinalawak at mga Bagong Benepisyo para sa Mamamayang Filipino. We are hoping that these enhancements bring positive impact in the behavior of the Filipinos in seeking medical attention. Sa mga nangangailangang magpagamot, huwag na pong magdalawang isip dahil nakaalalay ang PhilHealth sa kanilang gastusing medikal”. 


Hinikayat din ng PhilHealth chief ang lahat ng miyembro na magparehistro sa gusto nilang Konsulta Package Provider para makakuha ng libreng konsultasyon, health screening at assessment, gayundin ang alinman sa 21 essential drugs at gamot at 13 laboratory test na kakailanganin ng kanilang primary care physician.

 

Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.

0 comments

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page