ni Thea Janica Teh | January 9, 2021
Binaha ang malaking bahagi ng Negros Occidental dahil sa walang tigil na pag-ulan simula pa nitong Biyernes.
Ayon kay Zeaphard Caelian, head ng Disaster Management Program Division ng lalawigan, “May mga cities and municipalities po tayo kaninang affected na ng flooding because of torrential rains and light to moderate to heavy to sometimes severe rains dito sa ating area sa province ng Negros Occidental.”
Ilan sa mga lubos na naapektuhan ng pag-ulan at pagbaha ay ang bayan ng Talisay, Silay, EB Magalona, Victorias, Cadiz, Sagay at Escalante.
Libu-libong katao rin ang tinatayang lumikas sa evacuation centers dahil lampas-tao na ang baha sa kanilang mga tinitirhan. Kaya naman, agad ding tumulong ang Philippine Coast Guard at nagsagawa ng rescue operation.
“'Yung continuous rains talaga ang isang factor, plus marami rin kaming nakitang obstruction sa ating mga river system like mga garbage, siltation ng river banks and river system na nakapag-contribute sa taas ng tubig sa ating area,” kuwento pa ni Caelian.
Samantala, nasa 1,089 pamilya na ang inilikas sa Victorias, habang 200 pamilya naman sa Talisay at 295 pamilya mula sa 19 barangay ng Silay City.
تعليقات