top of page
Search
BULGAR

Negatibong epekto ng palpak na serbisyo ng internet sa bansa

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | August 04, 2021



Sa napakaraming negatibong epekto ng palpak na serbisyo ng internet sa bansa ay maituturing na isa sa pinakamatindi ang ginawang pagpapatiwakal ng isang estudyante dahil sa napakabagal na koneksiyon ng internet ay hindi ito nakakuha ng eksaminasyon.


Isang lalaking estudyante ng University of Eastern Philippines (UEP) sa Northern Samar ang nagpakamatay matapos na hindi ikonsidera ng kanyang dalawang guro na makakuha siya ng online examination dahil hindi umabot ang kanyang requirements.


Ang estudyante ng Department of Criminology, College of Arts and Communications ay natagpuang wala ng buhay nitong nakaraang Hulyo 27 dahil lamang sa pagkakaantala ng dalawang minuto ng kailangang requirements.


“Sir, nakikiusap po ako. Pasensiya na po, sir, ang signal talaga po rito sa amin, mahina dahil barangay lang po kami. Naka-send naman po ako on time, nag-sending lang po.”


Ito mismo ang chat ng nasawing estudyante sa kanyang mga guro na inilabas ng Northern Samar News and Information na isinalin sa tagalog dahil sa inihayag ito sa wikang Samareño.


Kumbaga hindi ito basta inanggulo lang para pasamain ang palpak na serbisyo ng internet sa bansa dahil ito mismo ang pinag-ugatan ng lahat kaya nasira ang buhay ng estudyante na pag-asa sana ng kanyang mga mahal sa buhay.


Bago pa nangyari ang insidenteng ito ay isinumite natin ang Senate Bill 911 dahil sa hiling ng marami nating kababayan na panahon na umano para magkaroon ng maayos na information and communications technology infrastructure sa ating bansa.


Dahil dito ay dumalo tayo sa isinagawang webinar sa Senado hinggil sa “Open Access in Data Transmission Act” na inorganisa ng Senate Economic Planning Office at nilahukan ng independent ICT policy researcher at kapwa ko public servants.


Bilang isa sa may akda ng Open Access in Data Transmission Act ay tinutukan nating mabuti ang pakikinig sa ginanap na talakayan at naramdaman natin ang pagnanasa ng marami nating kababayan na maisaayos na ang lahat hinggil dito.


At sa pinakahuling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulo Rodrigo Duterte ay isa ito sa mga pinakahihintay ng marami nating kababayan na tila nakaligtaang mabanggit, ngunit naniniwala tayong hindi pinababayaan ng pamahalaan ang suliraning ito.


Sa ikalimang SONA kasi ng Pangulo ay nagbanta ito na kanyang kukumpiskahin ang mga airwave at linya ng mga higanteng telecommunications company (telcos) kung hindi magbabago ang palpak nilang serbisyo.


Maging ang ilang Kongresista ay nagpahayag na nang sunud-sunod na panawagan at direktang pinakikiusapan na ang Globe at PLDT-Smart na magkusa na silang ayusin ang kanilang serbisyo dahil kung hindi ay bubuhayin na umano ng Kamara ang imbestigasyon laban sa mga ito.


Layon umano ng ilang Kongresista na direktang marinig sa kinatawan ng mga telcos kung ano ang kanilang kongkretong plano para pagandahin ang napakapangit na serbisyo ng internet sa bansa na sobrang kailangang-kailangan na ng taumbayan.


Nalulungkot tayo dahil umabot pa tayo sa puntong itinuturing ng ‘Berdugo ng Taumbayan’ ang mga telcos na sa halip na magbigay ng karampatang serbisyo ay nananamantala pa umano sa gitna ng dinaranas nating pandemya.


Ngayon ay mas lalo pang titibay ang bansag na ‘Berdugo ng Taumbayan’ ang mga telcos dahil may kumitil na ng sariling buhay dahil lamang sa napahamak sa bukod sa napakamahal ay napakabagal pang serbisyo ng internet.


Alam ba ninyong sa kabila na ang ating bansa ang isa sa may pinakamabagal na internet connection ay itinuturing pa rin tayong social media capital of the world dahil sa dami ng mga gumagamit nito sa ating mga kababayan.


Sa kasalukuyan ay nakaaalarma na ang tumataas na kaso ng pagpapatiwakal dahil kamakailan lamang ay may tatlong estudyante rin sa high school na may mga edad na 13, 14 at 16 na mula sa Bato, Palo at Baybay City sa lalawigan ng Leyte ayon sa pagkakasunud-sunod ang nag-suicide rin.


Nasundan pa ito ng 19-anyos na high school student na nagpakamatay naman sa pamamagitan nang pagbibigti mula naman sa Lalawigan ng Albay.


Sa panahong ito ay nakikiusap tayo sa ilang mga guro na sana ay mas maging maunawain sa kalagayan ng mga mag-aaral at huwag basta na lamang isa-isantabi na lamang ang kanilang kalagayan dahil lahat tayo apektado ng pandemya sa iba’t-ibang paraan.


Sa pamamagitan lamang nang pag-uunawaan at pagtutulungan sa isa’t isa ay pare-pareho tayong makaaahon lalo pa at nasa panahon na naman tayo nang paghihigpit dahil sa mas nakakahawang Delta variant ng COVID-19.


Hindi man lahat ng dahilan nang kanilang pagpapatiwakal ay may kaugnayan sa mabagal ng serbisyo ng internet ngunit kumpirmadong nadagdagan ang kaso nang pagpapatiwakal ng mga mag-aaral dahil sa napakabagal o minsan ay pawala-wala pang koneksiyon ng internet.


Sana naman ay matinag na ang damdamin ng mga telcos na ito, na pagdating sa advertisements ay ang huhusay pero sa totoong buhay ay walang kabuhay-buhay!


Anak Ng Teteng!

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page