@Editorial | April 12, 2021
Ibinaba na sa modified enhanced community quarantine (MECQ) ang quarantine classification sa NCR plus o sa National Capital Region, Bulacan, Laguna, Cavite at Rizal simula ngayong araw, Abril 12 hanggang sa Abril 30.
Kasama rin sa nasa MECQ ang Santiago City sa Isabela, lalawigan ng Qurino at Abra.
Isinailalim naman sa general community quarantine (GCQ) ang mga lalawigan ng Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya, Batangas, Tacloban City, Iligan City, Davao City, Lanao del Sur at probinsya ng Quezon. Ang nasabing quarantine classification ay tatagal hanggang sa katapusan ng Abril.
Ang iba panig naman ng bansa ay nasa ilalim ng modified general community quarantine (MGCQ).
Kaugnay nito, ngayong araw naman tatalakayin ng Malacañang ang malinaw na kaibahan ng MECQ sa GCQ.
Anuman ang maging quarantine classification, magbago man ito kada linggo, ang hindi dapat nating makaligtaan ay ang patuloy na pagsunod sa health protocols laban sa COVID-19.
Kung isailalim man tayo sa mas mahigpit na lockdown o sa mas maluwag, hindi dapat nagbabago ang ating pag-iingat. Sa halip, mas dapat tayong maging responsable at disiplinado upang bumaba na ang kaso ng COVID-19. Sa pagiging kampante doon mas umaatake at kumakalat ang virus.
Tulungan nating maging epektibo ang mga panuntunan. Huwag nating sayangin ang mga araw na pare-pareho nating isinasakripisyo ang ating oras, trabaho at higit sa lahat ang buhay, lalo na ng ating magigiting na frontliners.
Comentarios