ni Mary Gutierrez Almirañez | March 26, 2021
Kinontra ni Department of Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Epimaco Densing III ang rekomendasyon ng OCTA Research Group na posibleng ibalik sa mas mahigpit na modified enhanced community quarantine (MECQ) ang mga lugar na kabilang sa NCR Plus Bubble, batay sa naging panayam sa kanya ngayong umaga, Marso 26.
Aniya, "Nag-meeting lang kahapon ang IATF. Hindi po 'yan pinag-usapan. Kung titignan natin ‘yung policy directive ng mga nakaraang IATF meeting, mukhang malabong bumalik tayo sa MECQ.
Importanteng nagbabalanse po tayo sa ating paghihigpit, at the same time kailangan tuluy-tuloy pa rin ang daloy ng ating ekonomiya.” Taliwas ito sa iginiit ni OCTA Research Group Fellow Professor Ranjit Rye na hindi babagsak ang ekonomiya kahit magpatupad ng MECQ sapagkat maihahalintulad lamang iyon sa hininging ‘time out’ ng mga health workers noong nakaraang taon.
Paliwanag pa ni Prof. Rye, “Mas grabe ang dinaranas natin ngayon at ang sinasabi natin, lahat ng pinaghirapan natin, may potential na maisantabi. All our gains will be washed away if this surge is left uncontrolled.”
Sa ngayon ay 8,773 na ang nadagdag sa mga nagpositibo sa COVID-19 at tinatayang umabot na sa 693,048 ang naitalang kaso sa bansa. Samantala, mahigit 500,000 mamamayan na ang nabakunahan ng unang dose ng COVID-19 vaccines, batay sa huling tala ng Department of Health (DOH).
Comments