ni Anthony E. Servinio - @Sports | May 14, 2022
Magbabalik ang 2022 National Basketball League (NBL) President’s Cup handog ng Converge ngayong Sabado at Linggo sa Bren Z. Guiao Convention Center sa San Fernando, Pampanga. Tampok dito ang inaabangang tapatan ng mga paboritong Pampanga Delta at DF Bulacan Republicans sa Linggo simula 6:00 p.m..
Matapos humataw sa simula ng torneo, galing ang Delta sa magkasunod na talo sa kamay ng Quezon Barons (94-77) at Taguig Generals (79-75). Inaasahan na gagawin nina Michael Jeffrey Garcia at CJ Gania ang lahat upang pamunuan ang Pampanga pabalik sa panalo.
Ganado ang Republicans at pumulot ng 2 sunod na panalo sa Laguna Pistons (96-82) at Narvacan Panthers (105-100). Sasandal muli ang Bulacan sa shooting ni Marlon Monte at depensa sa ilalim ni Joseph Celso upang mapabuti ang daan patungong semis.
Maghaharap din ang Parañaque Aces at Pistons kung saan nakataya ang pag-asa ng dalawang koponan na pumasok sa semis. Huling naglaro ang Aces noong Abril 24 kung saan nalusutan sila ng isang puntos ng Pampanga, 80-79.
Puno rin ng aksiyon ang 2022 Women’s National Basketball League (WNBL) sa apat na laro na magwawakas sa kanilang double round elimination. Susubukan ng Taguig Lady Generals na manatiling numero uno sa laban nila kontra Army Lady Battalion sa Sabado at Go For Gold Navy sa Linggo na parehong magsisimula nang 4 p.m..
Sa kabilang banda, hahanapin ng STAN Quezon Lady Spartan ang unang panalo laban sa PSI Air Force sa Sabado simula ng 2 p.m. Kung papalarin, mabubuhay ang pag-asa nila sa semis at kailangang magwagi muli sa Army sa Linggo sa parehong oras.
Marami sa mga bituin ng WNBL ang hindi makalalaro dahil nasa Vietnam sila para sa 31st SEAG. Kabilang sa Gilas Pilipinas sina Janine Pontejos at Chak Cabinbin ng Army at Andrea Tongco ng Navy at mga beterana ng WNBL at WNBL 3x3 na sina Clare Castro, Kate Castillo at Trina Guytingco.
Commentaires