ni Anthony E. Servinio - @Sports | September 08, 2021
Magbabalik-aksiyon ang Chooks To Go National Basketball League (NBL) Chairman’s Cup 2021 at Women’s National Basketball League (WNBL) 2021 ngayong Sabado sa Bren Z. Guiao Convention Center sa City of San Fernando, Pampanga. Huling naglaro ang dalawang liga noong Hulyo 25 bago itinaas sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang Maynila at ilang karatig na lalawigan.
Maglalaro ang punong abala at kampeon sa nakaraang NBL Black Arrow Express President’s Cup Pampanga Delta kontra sa Mindoro Tamaraws Disiplinados sa tampok na laban sa 6:00 ng gabi. Pangungunahan ang atake ng Delta nina President’s Cup Most Valuable Player Clifton James Gania, Florencio Serrano at Ronald Pascual.
Sa unang laro sa 1:15 ng hapon, magpapakilala na ang may bagong pangalan na Muntinlupa Water Warriors o ang dating Muntinlupa Emeralds laban sa walang panalong Sulong STAN Quezon Spartan. Susundan ito agad ng tapatan ng Laguna Pistons at Quezon Barons sa 4:00 ng hapon kung saan parehong naghahanap ng unang tagumpay ang dalawang koponan.
Samantala, bubuksan ang araw ng laro sa WNBL sa pagitan ng Taguig Lady Generals at STAN Quezon Lady Spartan sa 11:15 ng umaga. Ito ang unang salang ng Lady Generals na tatampukan nina Marichu Bacaro, Gemma Miranda, Monique del Carmen at Wiz Duazo.
Ibinigay ng Games and Amusements Board (GAB) ang kanilang basbas na ituloy ang mga laro noong Martes. Magpapairal ng mas mahigpit na health at safety protocol kabilang ang pagsusuri sa lahat bago pumasok ng palaruan.
Ang kahit sinong mahuling lalabag sa mga protocol ay ihihiwalay sa isang lugar ng tatlong minuto sa unang paglabag at limang minuto sa ikalawa. Agad palalabasin ng palaruan oras na magkaroon ng ikatlong paglabag.
Ang lalawigan ng Pampanga ay nasa pinakamaluwag na Modified General Community Quarantine (MGCQ). Ibinaba na ang Kalakhang Maynila at ilang karatig na lugar sa General Community Quarantine (GCQ) simula ngayong Set. 8.
Comments