ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | August 26, 2022
Uso ang nawawala at dukutan ngayon ng mga dalagita o babae at kahit lalake. Pagkatapos, kinabukasan ay matatagpuang patay na. Naku, ha, nakakatakot 'yan! Ano ba ang nangyayari?
Kamakailan, nabalita sa Bustos, Bulacan, merong 15-anyos na nawala at lumitaw na rape-slay ang kaso, eh, sumama raw sa naka-chat nito sa Facebook at pagkatapos, natagpuan na lang na isa nang malamig na bangkay na nadiskubreng hinalay pa. Juicekolord! Ano ba 'yan!
Meron ding napabalita sa Malabon na 29-anyos na dinukot na, natagpuan diing patay at hinihinalang ni-rape. Grabe!
Nakakaalarma na talaga. Eh, paano ba 'yan, pasukan pa naman, natatakot na ang mga magulang sa kaligtasan ng mga anak nila na kakasimula pa lang ng klase at 'yan ang mabubungarang mga sitwasyon.
Sabi pa naman ng PNP, bumaba sa 36% ang crime rate at maaari ngang isolated cases ang mga patayang nagaganap. Pero, ha, padami nang padami, ano ba talaga? Saan nanggaling ang mga kriminal na 'yan, kung saan-saan nambibiktima!
Sa gitna niyan, IMEEsolusyon na manghimasok na at magsanib-pwersa ang PNP at NBI para lang mapahinuhod 'yung pangamba ng ating mga kababayang magulang sa kaligtasan ng kanilang mga anak.
Isa pa, IMEEsolusyon, 'yung mga magulang, eh, kailangang siguraduhin ninyong nakaabang na kayo sa pag-uwi ng inyong mga anak at kung kinakailangan, eh, baka naman kahit malaki na sila, eh, sundu-sunduin n'yo na rin, lalo na kapag gabi na ang uwi nila.
IMEEsolusyon naman sa mga babaeng estudyante na umuuwi ng gabi, na sumabay kayo sa mga kaklase n'yo na may iisang lugar na inuuwian o sa mga kaibigan, para iisang grupo kayo. Ikalawa, diretso na ng bahay, ‘wag maglakwatsa sa gabi at ipabatid din sa magulang kung saan kayo pupunta, address ng pupuntahan ninyo at contact number.
IMEEsolusyon din na paigtingin ang pagro-ronda ng mga tanod sa inyong mga barangay para masigurong ang mga nag-iikot na mga kriminal, eh, maalarma at hindi basta makapang-atake.
Para naman sa mga pangmatagalang proteksyon sa masasama, eh, baka puwede ring IMEEsolusyon na mag-aral kayo ng basic self-defense para sinumang umatake sa inyo, eh, inyong matatakasan. Agree?
Comments