NBI may tips para maiwasang mabiktima ng phishing
- BULGAR
- Jan 24, 2022
- 1 min read
ni Jasmin Joy Evangelista | January 24, 2022

Inihayag ng National Bureau of Investigation (NBI) na lahat ng kasong nahawakan nila kaugnay sa ilegal na fund transfer ay may kinalaman sa phishing.
Dito ay gumagamit ng email, text message o voice call ang mga kawatan para makuha ang mga log-in credential ng isang tao.
Dahil dito ay nagbabala ang NBI sa publiko na huwag i-share ang password ng kanilang mga online bank account.
"Huwag tayo magshe-share ng mga password natin, mga PIN natin, kahit na may mag-email sa iyo, tumawag sa iyo, mag-text sa iyo. At the same time po, never ever share our OTP (one-time password)," ani NBI Cybercrime Division chief Victor Lorenzo sa isang panayam.
Ito ay matapos ang pagkakahuli ng 5 suspek sa pangha-hack sa mga bank account ng BDO.
Dapat umano ay balewalain ng publiko ang mga email, text message o voice call na nanghihingi ng mga password at iba pang account details nila.
Sa mga ATM at credit card naman, delikado kapag nakuha ang 4DBC o iyong 4 na numerong nakalagay sa card.
"Kapag naibigay mo iyon, puwede na silang mag-online transaction," ani Lorenzo.
Para sa mga nais maghain ng reklamo kaugnay sa mga online scam, maaaring bisitahin ang website ng NBI para sa hotline numbers.
Comments