ni Madel Moratillo @News | July 11, 2023

Umaasa si Justice Secretary Jesus Crispin 'Boying' Remulla na mabago na ang kultura ng mga Pinoy na kahit mga bata ay ginagawang bikini contestant at pinagsasayaw kahit sa mga noontime show.
Giit ni Remulla, may problema sa bansa at ang ganitong kultura ay dapat maalis na.
Ang pahayag ng kalihim ay kasunod ng labis na pagkadismaya sa kontrobersiyang kinasangkutan ng National Bureau of Investigation na may sexy performers sa isang event.
“Marahil dapat tingnan natin 'yung kulturang 'yan ng mga Pilipino. Sana mga noontime shows, wala nang sumasayaw-sayaw na mga bata. Pati minsan mga batang musmos pinapasayaw-sayaw nila, ginagawang bikini contestant, pinagsusuot ng mga 'di dapat suotin. 'Yung ating kultura bilang Pilipino, dapat ibahin natin. Hindi lang po ito sa NBI kundi sa ating lahat mismo. May problema po bansa natin,” pahayag ni Remulla.
Samantala, tukoy na ng Department of Justice ang opisyal ng NBI na nag-imbita ng sexy dancers sa command conference ng ahensya.
Una rito, nagviral sa social media ang video kung saan may makikitang mga babae na nagsasayaw sa isang event ng NBI.
Tumanggi naman muna si Remulla na pangalanan ang nasabing opisyal. Bagama't kinumpirma niyang nagtangkang lumapit sa kanya ang nasabing opisyal pero inatasan niya itong magpaliwanag “in paper”.
Ayon sa kalihim, tatlong performers umano ang kinuha para sa nasabing event. Giit ng DOJ secretary, walang pera ng gobyerno na ginamit para ibayad sa nasabing dancers.
Ang pera ay galing sa aniya'y “old men” na akala ay mga “adolescent” pa sila.
Ayon sa kalihim, nakakahiya ang pangyayari at hindi niya ito nagustuhan. Dapat ay magsilbing aral aniya ito sa lahat.
Comentários