top of page
Search

NBA 2021 season, target buksan sa Disyembre 21

BULGAR

ni Gerard Peter - @Sports | October 29, 2020




Tinatarget ng National Basketball Association (NBA) na muling buksan ang 2020-2021 season nito sa darating na Disyembre 22 upang umeksakto sa pagtatapos ng liga bago ang pagbubukas ng 2021 Tokyo Olympics na magsisimula sa Hulyo 23-Agosto 8 sa Japan.


Kinokonsidera umano ng board of governors ng liga ang planong buksan ang liga na magkakaroon lamang ng pinaigsing 70-72 na laro sa orihinal na 82 games nito at maaaring magtapos sa Hunyo, na sapat upang posibleng makalaro ang mga manlalaro nito sa Summer Olympic Games.


Ayon sa ulat na inilabas ng The Associated Press, inihayag ng isang indibidwal na may alam ng sitwasyon na pinaplanong magkaroon ng ‘Christmas Games’ at maaaring magkaroon ng mga manonood at mga tagahanga’t tagasubaybay sa loob ng mga basketball arenas, ngunit wala pang pinal na plano sa mga ito dahil balakid pa rin sa mga ito ang panganib na dulot ng novel coronavirus disease (Covid-19) sa mga panahon na nabanggit.


Malaking problema pa rin ng liga ang muling pagbangon ng kanilang mga benta, gayundin ang makatulong sa kanilang ekonomiya. Pinagpipilian rin umano na maghintay na lamang na magkaroon ng mas marami pang manonood sa mga Arenas hanggang kalagitnaan ng Enero, ngunit sakaling buksan ito ng Disyembre ay maaaring kumita ito ng $500 million.


Aabot na umano sa $1.5 billion ang nawawalang kita sa nasabing liga, ayon sa naturang indibidwal, dahil sa shutdown bunsod ng Pandemya, pagpapaliban ng 171 regular-games, pagsagawa ng season sa Walt Disney World ng walang fans, ang $200 million na nawalang kita sa pagpapatakbo ng NBA Bubble at sigalot sa pagitan ng Chinese government na hindi nagpalabas ng mga laro ng NBA sa kanilang telebisyon.


Pinag-aaralan din na makuha ang panig ng National Basketball Players Association (NBPA) hinggil sa mga plano na tiyak na magkakaroon ng epekto sa mga pinansyal na aspeto at usaping pera.


Hinggil naman sa Olympiad, opisyal ng kwalipikado ang USA Team, kabilang na ang Nigeria, Argentina, Iran, France, Spain at Australia na naglaro sa 2019 FIBA Basketball World Cup sa China, habang hinahantay pa ang 24 na koponan na maglalaban-laban para sa nalalabing 4 na slot para sa men’s basketball tournament na maaaring buksan ang qualifying sa Hunyo 22-Hulyo 4 sa Victoria, Canada; Split, Croatia; Kaunas, Lithuania; at Belgrade, Serbia.

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page