ni V. Reyes | February 20, 2023
Makaraan ang 32-oras na paghahanap ay natagpuan na ang mga debris o bahagi ng nawawalang Cessna 340A sa Barangay Quirangay, Albay. Gayunman, hindi pa rin umano matukoy ang kinaroroonan ng piloto na si Captain Rufino James Crisostomo, Jr., ang crew na si Joel Martin at mga Australyanong pasahero na sina Simon Chipperfield at Karthi Santanan.
Nabatid naman mula sa Camalig, Albay Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office na inaalam na rin ng Philippine Air Force kung ang binagsakan ng eroplano ay mismong malapit sa crater ng Bulkang Mayon.
Sinabi ni Camalig MDRRMO Public Information Officer Tim Lawrence Florence na sakaling tuluyang bumuti na ang panahon sa Barangay Quirangay ay makapagpapatuloy ang PAF sa pagtataya sa lugar na binagsakan ng Cessna plane.
Ayon naman kay Camalig Mayor Carlos Baldo, iniutos na pabalikin muna ang mga naglakad lamang na rumesponde sa lugar dahil malapit ito sa bunganga ng bulkan.
“If I am not mistaken ay mga less than two kilometers doon sa crater ng bulkan. Considering na Alert Level 2 ang bulkan, very active at any time ay puwedeng magkaroon ng eruption,” pahayag ng alkalde.
“Bawal mag-venture doon sa exact na crash site dahil sa abnormal na aktibidad ng Bulkang Mayon,” dagdag naman ni Florence.
Sabado ng alas-6:43 ng umaga nang umalis ng Bicol International Airport ang Cessna plane patungong Maynila bago ito nawala.
Comments