ni Eli San Miguel - Trainee @News | October 19, 2023
Nagpatupad ang Police Regional Office 4-A (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon area) ng komprehensibong imbestigasyon para malaman ang kinaroroonan at maibalik ang Miss Grand Philippines 2023 candidate na si Catherine Camilon ng Tuy, Batangas na nawawala simula noong ika-12 ng Oktubre.
Inatasan ni PRO 4-A Chief Police Brig. Gen. Paul Kenneth Lucas ang Tuy Municipal Police Station noong Huwebes, Oktubre 19, na makipag-ugnayan sa iba't ibang yunit ng pulisya sa imbestigasyon at kolektahin ang lahat ng makukuhang impormasyon, kasama na ang mga video-surveillance, mga tala ng mensahe at usapan, at mga salaysay ng mga saksi upang malaman ang takbo ng mga aktibidad ni Camilon noong araw ng kanyang pagkawala.
"Nakatuon tayo na dalhin si Camilon nang ligtas sa kanyang tahanan, at hindi tayo nagpapabaya sa pagpapakilos na malutas ang kaso na ito," sabi ni Lucas.
Hinihikayat ni Lucas ang mga may kaukulang impormasyon na makipag-ugnayan sa Tuy MPS.
“We remain hopeful that the collaborative efforts of the community and our local authorities will lead to the safe return of Miss Camilon,” dagdag pa ni Lucas.
Si Camilon ay isang finalist sa Miss Grand Philippines at dating grand winner ng Binibining Batangas Quarantine noong Disyembre 2020 sa Batangas City.
Siya ay umalis sa kanyang tahanan sakay ng Nissan Juke na may plakang NEI-2990 at huling nakitang nasa isang gasoline station sa Bauan, Batangas.
Comentários